Binalikan ng Pinoy Henyo Master na si Joey De Leon ang programang pinagsamahan ng grupo niyang "TVJ" at ang Apo Hiking Society na kinabibilangan ng namayapang si Danny Javier.
Sa Instragram, ipinost ni Joey ang masayang larawan na magkakasama ang TVJ (Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey), at ang Apo Hiking Society (Danny, Jim Paredes at Boboy Garovillo).
Ang "TVJ" at Apo Hiking Society, ang maituturing na kabilang sa mga pinakakilalang "trio" sa Philippine showbiz.
"Ang larawang ito ay nasa aklat na 'Unang Tatlong Dekada' ng Eat Bulaga. Magkakasama kami ng APO sa aming kauna-unahang TV Show noong early 70s, “Okay Lang” sa TV 13, a musical gag show," pagbahagi ni Joey sa caption ng larawan.
"We played Poker minus Jim. May utang pa nga akong 500 pesos kay Boboy hanggang ngayon! We did 'Jesus Christ Superstar' on TV. Kung baga sa Poker, out ka na muna Danny. Next deal ka na lang pare! Rest in peace sounds like BETS PLEASE!," patuloy pa ni Joey na naka-tag sina @boboygarovillo @andoks.
Minsan ding nagkatapat sa telebisyon ang "Eat Bulaga" ng TVJ, at "Sang Linggo nAPO Sila" ng Apo Hiking Society.
Sa isang episode ng dating GMA show na "PowerHouse," ikinuwento nina Boboy at Jim kung papaano nagsimula sa 12 ang orihinal na miyembro ng Apo Hiking Society, na kinalaunan ay naging apat (kasama si Lito de Joya), hanggang sa maging trio.
Gayunman matapos ang kolehiyo, nagpasya ang grupo na maghiwa-hiwalay na ng landas at magkaroon ng farewell concert.
Ayon kay Boboy, nang panahon iyon, aalis na siya para maging magsasaka sa Negros, habang may pending exhange student program sa Turkey si Jim. Nag-apply naman sa marketing work umano si Danny, at tututok sa advertising company ng pamilya si Lito.
Mula nang mabuwag, nagkaroon ng pagkakataon sina Jim at Danny na magkasama nang sumali silang dalawa sa isang TV show na siyang binanggit ni Joey sa post.
Ayon kay Jim, nang sumikat ang naturang TV show, tinawagan nila si Boboy na bumalik na mula sa pagsasaka. At nang bumalik, doon na nabuo ang trio nila bilang Apo Hiking Society, and the rest is history.
Nitong nakaraang Lunes nang kumpirmahin ng anak ni Danny na si Justine, ang malungkot na balita na pumanaw na ang kaniyang ama dahil sa mga komplikasyon sa sakit.
Bago pumanaw sa edad na 75, nag-iwan pa si Danny ng 'masayang' awitin tungkol sa kamatayan.--FRJ, GMA News