Matapos dukutin ng mga armadong lalaki sa labas ng bahay sa Maynila noong Abril 2021, hindi pa rin nakikita hanggang ngayon ang tatlong magkakaibigan.
Sa special report ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, binigyan ng linaw ng naarestong magkapatid na police "asset" na si Nicasio at Nicholet Manio, ang posibleng sinapit ng magkakaibigang Rexcell De Guzman (o Rexcell John Hipolito), Ronald Jae Dizon, at Ivan Serrano.
Nakaistambay sa labas ng isang bahay sa Santa Cruz, Manila noong Abril 2021 ang tatlo nang nahuli-cam ang sapilitang pagsakay sa kanila sa sasakyan ng mga armadong lalaki.
Mula noon ay hindi na sila nakita.
Ang magkapatid na Manio ay kabilang sa mga idinadawit sa pagdukot at pagkawala rin ng magkapatid na Gio Jordy at Mico Franco Mateos, at kaibigan nilang si Garry Matreo sa Cavite noong Abril 2021 din.
Isa pang lalaki sa Cavite ang nawawala.
Inimbestigahan ng mga tauhan ng NBI ang naturang insidente at lumitaw na responsable sa pagkawala ng apat na biktima sa Cavite ang dating hepe ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office, at mga tauhan nito, kabilang ilang police asset--kasama ang magkapatid na Manio.
Ayon sa ulat, nagbigay ng sinumpaang salaysay ang magkapatid Manio sa Task Force Against Illegal Drugs ng NBI. Kasama sa mga impormasyon na ibinigay nila ang ilan pang insidente ng pagkawala ng mga taong iniuugnay umano sa ilegal na droga, at sinasabing sangkot ang NCRPO-RDEU.
Kabilang dito ang pagdakip kay Robert Caidoy, alyas Ektad, na nangyari sa Roxas, Blvd sa Pasay noong April 2021 din.
Ayon sa magkapatid na Manio, kasama raw sila sa pagdakip kay Ektad na dinala umano sa Camp Bagong Diwa sa Taguig at hiningan ng pangalan ng mga puwedeng hulihin.
Itinuro umano ni Ektad si De Guzman, na dinukot kinabukasan ng mga armadong lalaki sa Sta. Cruz, kasama ang mga kaibigang sina Ronald Jae Dizon, at Ivan Serrano.
Batay umano ito sa utos ng isa pang police asset na si Angelo Atienza, alyas Kulot.
Ayon sa magkapatid na Manio, isang Police Corporal na miyembro din umano ng NCRPO-RDEU ang nag-utos na i-"dispose" na si Ektad, itinapon umano ang katawan nito sa Laguna de bay.
Sunod na pina-"dispose" umano sina De Guzman at mga kasama nito dahil wala raw maiturong puwede pang hulihin.
Dinala raw ang tatlo sa Sta Rosa, Laguna, piniringan sa SLEX at pagdating sa isang subdibisyon ay sinalubong sila ng isang passenger van. Kinuha raw mga sumalubong sa kanila ang sasakyan kung saan nakasakay ang tatlo na hindi na muli pang nakita.
Umaasa naman ang mga kaanak ng tatlong magkakaibigan na matulungan sila at makita pa ang mga ito.
Nagsampa naman ang NBI ang mga panibagong kaso laban sa mga inireklamong miyembro ng NCRPO-RDEU. (READ: 11 pulis, 4 na sibilyan, dawit sa pagdukot at pagkawala ng 3 katao sa Cavite)
Ayon sa ulat, inihayag ng NCRPO na hindi na muna magbibigay ng komento ang mga inirereklamong pulis at sa korte na lang sila sasagot. --FRJ, GMA News