Blessing in disguise ang nangyari sa isang motorista na naligaw ng daan sa Iowa, USA, dahil apat na magkakapatid ang nailigtas niya ang buhay sa tiyak na kamatayan.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa video na kuha mula sa camera sa doorbell ng tahanan ng magkakapatid, ang pagdaan sa kanilang lugar ng motoristang si Brendan Birt.
Nang sandaling iyon, naliligaw na umano si Birt at ipinarada ang kaniyang sasakyan, bumaba, at nagmasid sa paligid.
Pero natigilan siya nang mapansin na nagliliyab ang harapan ng isang bahay.
Kaagad siyang tumawag sa emergency hotline 911, at saka kinalampag ang bintana ng bahay.
Maya-maya lang, tumatakbo na palabas ang tatlong batang magkakapatid, at nasundan ng isa pa na panganay sa lahat.
Ilang segundo pa ang lumipas, tuluyan nang kumalat ang apoy sa buong harapan ng bahay.
Nangyari ang insidente dakong 2:00 am at natutulog na noon ang magkakapatid na edad walo, 14, 17 at 22.
Nasa trabaho pa ang ama ng mga bata, at nasa ibang estado naman ang kanilang ina.
Ayon kay Brit, nagsisigaw siya nang makita ang sunog para makalabas ang tao sa bahay.
"I was screaming, yelling, just tried to wake them up because I just figured somebody was in the house," kuwento niya.
Ayon pa kay Brit, sinabi sa kanila ng mga bata na may apoy na rin sa hagdanan palabas ng bahay nang sandaling iyon.
"So another five minutes, I dont think they would have got out," saad niya.
Nasa maayos na kalagayan ang magkakapatid. Pero wala silang naisalbang gamit at nasawi rin ang limang alaga nilang aso.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat sila sa lalaking naligaw sa kanilang lugar para sila makaligtas.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy. --FRJ, GMA News