Makikita sa iniwang awitin ni Danny Javier ng APO Hiking Society na "Lahat Tayo,” ang pagtanggap niya sa kamatayan na inilahad niya nang may halong biro at kasiyahan.
Sa Facebook post nitong Martes, ibinahagi ng music producer na si Lorrie Ilustre ang video ni Danny habang inaawit ang "Lahat Tayo," na kasama sa linya ang “lahat tayo mamamatay.”
Ayon kay Lorrie, siya ang nag-areglo ng awitin, na kinanta ni Danny sa kaniyang Facebook page.
Sinabi rin ni Lorrie na sa tulong ng pamilya ng mang-aawit, naipadala niya ang recording ng awitin kay Danny habang nasa ospital.
Ipinadinig umano ito ng nurse kay Danny, at aprubado niya ang resulta.
"I know Danny's writing style and ideas so I just had to make this music arrangement for him to bring along to his journey home. I took his vocals from his FB post and recorded. His video I synced to audio. I just tweaked a note and rearranged the song structure but I kept everything the way he would have wanted it," kuwento niya.
"DANNY JAVIER, a man fully aware of his mortality expressed himself in music with lyrics infused with humor. He sang in a way that only he could deliver, singing his own sendoff ahead of its time. The man who coined ORIGINAL PILIPINO MUSIC (OPM) left us with this song, "LAHAT TAYO". He wanted to share this with all of you — family, friends and loyal fans," ayon pa kay Lorrie.
Sa YouTube na mapapanood din ang video, nakasaad sa description na: "Lahat Tayo - a song written by a man fully aware of his mortality, sang in a way that only he could deliver, singing his own sendoff ahead of his time. Danny Javier's latest song with lyrics infused with humor."
Ayon kay Lorrie, magiging available ang “Lahat Tayo” sa Spotify at sa iba pang streaming platforms.
Nitong Lunes, inihayag ng anak ni Danny na si Justine ang pagpanaw ng kaniyang ama dahil sa komplikasyon sa mga sakit.
Pumanaw si Danny sa edad na 75.
Bumuhos naman ang pakikiramay at pagdadalamhati sa pagpanaw ni Danny.
Kabilang sa mga nag-alay ng pagpupugay kay Danny ang kasama niya sa APO Hiking Society na sina Jim Paredes at Buboy Garrovillo.
Ibinahagi naman ni Gary Valenciano ang naging tulong ni Danny sa kaniyang career sa pagbibigay sa kaniya ng awiting "Di Na Natuto." — FRJ, GMA News