Agaw-pansin ang mga kamay ng isang 19-anyos na binata sa Bacolod City dahil sa mahahabang kuko sa kaniyang mga daliri. Bakit nga ba hindi niya ito pinuputol? Alamin ang kaniyang kuwento.
Sa programang “Dapat Alam Mo,” ikinuwento ni JC Pesaga, na pinapahaba niya noon ang mga kuko sa dalawa niyang kamay. Pero ngayon, tatlong daliri na lang sa kaliwanag kamay ang pinahaba niya ang mga kuko na nasa tatlong pulgada ang haba.
“Noong high school yung pinapahaba ko talaga is yung dalawang kamay ko. Pero ngayong college na ako, yung isa na lang kasi mahirap po kasi sa mga gawaing bahay,” paliwanag niya.
Pero nahinto muna si JC sa pag-aaral para tumulong sa kanilang negosyong kainan. Dito, all around ang gawain niya-- mula sa pagsisilbi sa mga customer, hanggang sa paghuhugas ng mga plato.
Hindi niya inaatrasan ang mga gawin kahit pa may mahahaba siyang kuko. Alagang-alaga raw niya ang kaniyang mga kuko kaya sinisigusrado niya rin na malilinis ang mga ito lalo na’t sa kainan siya nagtatrabaho.
“Naghuhugas po ako ng kamay gamit ang hand soap, after nu'n pinupunasan ko siya kasama po yung mga kuko ko,” saad niya.
Sikreto raw niya sa pagpapabaha at pagpapatibay sa mga ito ay ang pagpahid ng hilaw na bawang.
Kadikit din ng pagpapahaba niya ng mga kuko ang paniniwala na magkakasakit siya kung hindi bukal sa loob ang paggupit dito.
"May nagsasabi sa akin na kapag ginupit mo raw yung kuko mo na sobrang haba, magkakasakit ka raw kasi kapag pinutulan mo siya ng sobrang ikli. Kagaya po ng buhok," ani JC.
Dahil sa kakaibang attachment ni JC sa kaniyang mga kuko, itinatago rin niya ang mga pinagputulan nito.
Ibinibida rin niya online ang kaniyang long nails dahil mas nagkakaroon daw siya ng kumpiyansa sa sarili.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay papuri at paghanga ang kaniyang natatanggap. May mga komentong kumakalmot din sa kaniyang damdamin.
“Siyempre hindi po natin maiiwasan may mga bashers po, ayun po hinahayaan ko na lang po yung mga basher kasi naging part na rin sila ng journey ko sa pagpapahaba ng kuko,” lahad niya.
Sa pagsusuri naman ng isang dermatologist na si Dr. Grace Carol Beltran, sinabing maganda ang tubo at malusog ang mga kuko ni JC.
Pinaalala rin ni Dr. Beltran na importante ang wastong pag-aalaga sa mga kuko.
“Kung pangangalagaan nang maayos ay hindi naman magkakaroon ng komplikasyon,” wika niya.
Ayon kay JC, willing na siyang putulin ang kaniyang mga kuko kung kinakailangan lalo na kapag bumalik siya sa pag-aaral. --FRJ, GMA News