Creepy man para sa iba ang trabaho bilang embalsamador, proud naman dito ang 25-anyos na lalaki na ibinabahagi pa sa TikTok ang kaniyang hanapbuhay. May nakapanindig-balahibo na kaya siyang naranasan habang kasama ang mga patay?

Sa TikTok, sinasagot ng tinaguriang Gen Z embalsamador na si Ferdinand Maglapo, ang mga tanong mga kaniyang followers patungkol sa kaniyang trabaho.

Napag-alaman na mahigit limang taon nang lisensiyadong embalsamador si Ferdinand, at naging malaking impluwensiya sa kaniya na pasukin ang naturang propesyon dahil sa kaniyang lolo, na embalsamador din.

Hindi raw niya inaasahan na magiging viral at magiging interesado ang mga netizens sa kaniyang video content lalo na't hindi pangkaraniwan ang kaniyang trabaho. Masaya naman daw siya dahil nakakapagbahagi siya ng kaalaman patungkol sa pag-e-embalsamo.

Sa panayam sa GMA News show na "Unang Hirit," ikinuwento niya ang kaniyang mga background at karanasan sa trabaho.

"Pinaka-unang licensed embalmer po namin is yung lolo ko. Sa kaniya po nagsimula ang lahat," aniya.  "Nasanay na po kami simula noong bata na laging may nakikitang ataol, laging may nakikitang patay. Kaya noong nag-e-embalsamo na po ako hindi na po ako masyadong natakot.”

Wala naman daw siyang balak na gawing content ang kaniyang trabaho sa TikTok. Isang beses ay nag-post lang siya ng mga video ng mga ataol at dito na raw nagsimula ang pagtatanong ng netizens tungkol sa embalming procedures. Mula noon, nagtuloy-tuloy na ang kaniyang embalming contents.

Nang tinanong siya kung mayroon na siyang nakakapangilabot na karanasan habang nag-e-embalsamo gaya ng nangangalabit, tugon ni Ferdinand, wala naman. Pero may naalala siyang insidente tungkol sa isang bangkay ng babae na kaniyang inaayusan.

“Nung may inaayos po ako nun na 17-years-old, nandun po kasi yung kapatid ng namatay, na baby. Ngayon yung baby na 'yon, parang, biglang nagsalita ng 'ate, ate.' Para siyang nagpapakarga dun sa kapatid niyang patay sa loob ng morgue. Yun po ang pinaka isa sa creepy na nangyari sa akin,” kuwento niya.

Nang tanungin kung may inimbalsamo na siya na biglang nabuhay, sinabi ni Ferdinand na nagkaroon lang siya ng inaayusan na patay na gumalaw ang bahagi ng katawan katulad ng daliri.

Paliwanag ni Ferdinand, natural lang daw ito sa patay kapag nagre-react ang muscle ng bangkay.

Gayunman, nangyari na raw sa isa niyang tiyuhin na embalsamador din, na may kinuha silang "bangkay" sa ospital na biglang nabuhay.

"Nung ilalagay na nila sa stretchair yung mismong patay, para siyang nasamid, umubo. Bigla pong itinakbo nila sa ospital," kuwento niya. "Nabuhay pa po yung tao na 'yon."

Ibinahagi rin ni Ferdinand na nagawa na niyang mag-embalsamo ng patay na malapit sa kaniya, na tito niya at nagturo rin sa kaniya na mag-embalsamo.

Ayon kay Ferdinand, kulang na kulang ang mga licensed embalmer sa bansa. Kaya hinihikayat niya ang iba na subukan ang naturang uri ng propesyon.

Pero papaano ba maging isang licensed embalmer? Alamin kung paano ayon sa kuwento ni Ferdinand. Panoorin ang video ng "UH."  --FRJ, GMA News