Kung pinandidirihan at kinatatakutan ng iba ang mga daga, ang isang bata sa Bulacan, ito ang napiling gawing pet--at may kasama pang pusa.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing aabot na sa 60 ang alagang daga ni Eldad Grospe, 7-taong-gulang, na mula sa Baliuag, Bulacan.
Ang isa niyang alaga, pinangalanan niyang "Ratina."
Pero ang paborito raw ni Eldad, ang isang daga na ang lahi, pinaghalong dagang costa at dagang bahay.
“Paborito ko po na pets yung daga dahil maamo po sila sa akin, tsaka 'di po ako kinakagat, at cute po sila,” ayon kay Eldad.
Pagdating mula sa eskwelahan, ang mga alagang daga raw ang unang hinahanap ng bata para makipaglaro.
May mga breed o lahi naman daw ang mga alagang daga ni Eldad, at feeds ang ipinapakain. Pinapaliguan din ang mga ito para matiyak na malinis.
Kung minsan, kasama ni Eldad na nakikipaglaro sa mga daga ang alaga nilang mga pusa.
"Kapag nilalagay po namin sa loob, nakalagay sa palanggana, kapag pinakawalan namin ang daga hinabol po ng pusa, nilalaro-laro," ayon sa ama ni Eldad.
Ayon sa nurse na si Paul Aniag mula sa Animal bite Clinic, wala namang rabies ang mga daga pero ang kailangang iwasan ay ang tetano.
“If ever na na-exposed yung bata 'pag nakagat nag-a-advise po kami na magpa-inject ng anti-tetanus serum. Sa leptospirosis po sa ihi ng daga puwede rin nilang ma-acquire yung ganoong sakit,” paliwanag niya.
Sa bayan naman ng Dauis sa Bohol, ang kasama sa pagjo-jogging ng mag-amang Patrick at Mamay, hindi aso, kung hindi isang kambing na si Tuna.
“Pinangalanan namin siyang Tuna dahil yung color niya po kase, kakulay po ng isang tuna na isda kasi may pagka-grey siya,” kuwento ni Patrick.
Taong 2019 nang nakita ni Mamay, na noo'y tatlong-gulang pa lang, ang kambing na nasa isang resort kung saan nagtatrabaho ang kaniyang mommy Charlene.
“Baby pa po si Tuna at that time akala ng anak namin na si Mamay, aso. So parang naengganyo po siya na i-pet,” kuwento nito.
Hanggang sa napalapit na raw ang loob ng bata sa kambing na araw-araw pa niyang iniiyakan para ampunin. Kaya pinakiusapan si Charlene ang may-ari ng kambing na bilhin nila ito sa halagang P3,000.
“Nung una po parang hesitant po sila, (pero) dahil nakita po nila yung kagustuhan po talaga ni Mamay na makuha yung kambing, patuloy na ama. so naawa sila sa bata kasi umiiyak na," ani Charlene.
Pinapakain pa rin daw nila sa labas ang alaga at pinapastol gaya ng karaniwang kambing.
At para hindi mag-amoy kambing si Tuna, araw-araw nila itong pinapaliguan sa beach.
“Love ko po si Tuna, hindi ko po gusto mawala si Tuna,” masayang sabi ni Mamay.
Sa Daraga, Albay naman, malulusog na dalawang kambing naman ang napiling playmates ni Baby Nhia na pinangalanang Chris at Mas, o pinaghiwalay na “Christmas.”
Dahil busy pagtitinda ng street food ang ina niyang si Julie Anne, ang mga kambing daw ang libangan ng anak.
“Mahilig po si Baby Nhia sa pag-aalaga ng biik kase dito sa lugar namin halos may mga pigery. Nakakatuwa kasi parang marunong siyang makipag-usap as mga hayop,” kuwento ni Julie Anne.
Pareho rin na dumedede sa bote ang mga biik at Baby Nhia. Kaya naman halos nakasasabay na lumaki ang tatlo.
Ayon kay Dr. Edgardo Unson, isang veterinarian, importante sa mga bata na matuto sa mga pets dahil nagiging mas responsible sila kapag na-e-expose sa pag-aalaga.
Pero paalala rin niya, hindi lahat ng hayop ay puwedeng gawing pet.
“Mag-research kayo kung ano yung natural sa pet. Kasi ang pet kapag hindi siya socialized, magiging defensive yon. So educate them on how to approach a pet para hindi sila natatakot. As adults in the family dapat lahat kayo mahalin yung mga pets para makita ng mga bata na ito yung pagtrato sa mga pets,“ dagdag niya. --FRJ, GMA News