Bida sa mga handaan ng Pinoy ang lechon. Kaya naman ang isang negosyo ng "bellychon" na nagsimula lang sa bahay noong panahon ng pandemya, kumita nang hanggang P450,000 para lang sa buwan ng Disyembre ng 2021.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ni Gerhard Lola, mag-ari ng Kong Bellychon, na taong 2020 nang mag-resign siya sa trabaho para suportahan ang proyekto ng kaniyang misis na gagawin sana nilang negosyo.
Pero dahil panahon iyon ng pandemya, nalugi ang proyekto.
"Nandoon kami sa probinsya, walang kahit anong source of income. Naalala ko lang 'yung takot para sa pamilya ko, para sa mga anak ko. 'Yung takot na 'yun na hindi ko alam kung ano 'yung gagawin next, kung saan ako kukuha ng pera," emosyonal na kuwento ni Lola.
Kaya ang ginawa niyang libangan sa pandemya, ang mag-ihaw, na kinalaunan ay napagkakitaan niya nang matuto siyang magluto ng belly lechon o bellychon.
Dahil marami ang nagpapaluto sa kaniya ng bellychon, doon naisip ni Lola na puwede niya itong gawing negosyo.
Sa halagang P4,000, nagpagawa siya ng ihawan mula sa scrap metal. Tiniyaga ito ni Lola dahil mag-isa lang siya sa simula at hindi siya marunong sa kusina.
Pumalpak pa nga sa simula ang kaniyang luto na kung minsan ay hilaw ang naipapadala niyang order sa mga kaibigan. Hanggang sa makuha rin ni Lola ang tamang timpla ng masarap na inihaw at tamang tagal ng pag-ihaw.
Makalipas ng mahigit dalawang taon, mayroon nang tatlong branch ng Kong Bellychon si Lola. Anim ang kaniyang empleyado na katuwang niya sa negosyo.
Ang isa niyang branch sa Mandaluyong, kumikita ng P50,000 hanggang P70,000 kada buwan. Pagdating noong Disyembre ng 2021, kumita ang tatlo niyang store ng P400,000 hanggang P450,000.
Alamin sa video ng Pera Paraan ang mga sangkap na kailangan at tamang pagtali upang makagawa ng malutong at masarap na bellychon sa kapaskuhan. Panoorin. --FRJ, GMA News