Sa halip na mawala ang pananakit ng katawan, paso sa balat o second-degree burn ang inabot ng isang lalaking sumailalim sa ventosa sa isang spa.
Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Mark Joseph Castillo, na suki na siya sa spa kung saan siya nagpapamasahe.
Maganda naman daw ang serbisyo ng spa. Pero nang magpa-ventosa siya upang maalis ang tinatawag na "lamig" sa likod, sinabihan siya ng staff na "non-tradional" na ventosa ang gagamitin sa kaniya.
Sa ventosa, may inilalagyan ng maliit na baso sa likod ng tao na may pampainit sa loob.
Ayon kay Castillo, nang maalis ang mga baso at lalagyan na siya ng towel ng masahista sa likod, sinabihan siya nito na, "Sir sensitive pala yung likod mo."
Hinawakan pa raw ng masahista ang kaniyang blister o tubig-tubig sa balat.
Dahil sa naramdamang sakit, hindi na tinapos ni Castillo ang pagpapamasahe.
Dahil wala rin siyang malinaw na sagot na makuha sa spa kung bakit nasunog ang kaniyang balat, nagpa-blotter siya sa pulisya at barangay.
Ayon umano sa resulta ng medico legal, nagtamo ng second degree burn si Castillo. Gayunman, nagpasya siyang huwag nang kasuhan ang spa.
Wala raw hininging pinansiyal na kasunduan si Castillo pero hiniling niya sa pamunuan ng spa na isailalim sa re-training ang mga tauhan upang maiwasan na ang insidente.
Sinubukan naman ng programa na hingan ng pahayag ang spa pero wala silang ipinadalang tugon, ayon sa ulat.
Ano nga ba ang ventosa, at kadalasang pagkakamaling nangyayari sa paraan na ito ng pagpapa-relax sa katawan? Panoorin ang buong pagtalakay sa video. --FRJ, GMA News