Sa pagbabalik ng face to face classes, may mga paaralan na markado ang pangalan dahil kakaiba. Kagaya ng Inuman Elementary School sa Antipolo City. Habang ang isang eskuwelahan sa Nueva Ecija, ang lakas maka-Empoy Marquez dahil sa pangalang Kita-kita Elementary School. Ano nga ba ang kuwento sa likod ng mga pangalang ito?
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing tila lalakas ang "amats" o tama ng sinumang papasok sa Inuman Elementary School sa Brgy. Inarawan sa Antipolo City.
Gayunman, itinanggi ng Principal ng Inuman Elementary School na si Dr. Maricel Tortoza, na mga manginginom ang kanilang mga estudyante.
"Natatawa na lang din kami. Ang aming paaralan, top 3 siya sa performing school ng Calabarzon," pagmalalaki ni Tortoza.
Pinangalanan ang kanilang paaralan na "Inuman" dahil inuman ng mga baka at kalabaw ang kinatitirikan ng paaralan. Mayroon kasi itong isang bukal na pinagkukuhanan din ng inumin ng mga residente.
"Pride" naman ng Barangay San Jose sa Antipolo City pa rin ang paaralang inuugnay sa mga beki na Cabading Elementary School.
Nilinaw naman ng School Head na si Rodien Dunhill Arnaiz, na walang kinalaman ang "Cabading" pagdating sa kasarian o sexual orientation.
Dahil ang Cabading, apelyido ng mga taong naunang nanirahan sa kanilang sitio.
Ayon kay Jose Jude "Jojo" Cabading, nakuha niya ang apelyido mula pa sa kaniyang lolo. Samantalang sinabi naman ng asawa niyang si Elvie na tinawag na Sitio Cabading ang kanilang lugar noong 1983.
Kinagiliwan din ang Kita-Kita Elementary School San Jose City, Nueva Ecija, na katunog ng pagkikita ng mga tao, na naging titulo rin ng isang pelikula.
Pero paliwanag ni Abegail Agaton, Principal ng Kita-Kita Elementary School, na ang Kita-Kita ay kalipunan ng mga uri ng punongkahoy sa kagubatan.
Ito rin ay isang malawak na kapatagan na may mga burol na pinagmumulan ng kabuhayan at kita ng mga mamamayan.
At dahil katunog din ng romantic comedy film na "Kita Kita" ang paaralan, nakipagkita ang simpatikong leading man ng pelikula na si Empoy Marquez sa isang guro sa Kita-Kita Elementary School, na may malungkot na kuwento tungkol sa kaniyang love life.
Tunghayan ang ipinayo ni Empoy sa guro, at ang kanilang naging masayang date. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News