Hindi sa lahat ng oras ay natututukan ng mga magulang ang kanilang mga baby. Kaya hindi maiiwasan na kung minsan ay malagay sa panganib ang anak sa loob mismo ng bahay. Ano-ano ang maaaring gawin para iwas-disgrasya si baby? Alamin.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Katrina Son, mapapanood sa CCTV camera sa loob ng bahay nina ni Steffi Tejero ang muntikang pagkahulog ng kaniyang baby sa kama.
Mahimbing na ang kaniyang tulog nang magising ang kaniyang anak at gumapang sa higaan. Mabuti na lang at biglang nagising si Steffi at nahawakan pa niya ang paa ng sanggol kaya naiwasan ang posibleng disgrasya.
Sinabi ni Engineer Chander Reyes, isang occupational safety and health consultant, na baby proofing ang tawag sa pag-iwas sa mga posibleng aksidenteng mangyari sa mga sanggol sa pamamagitan ng paggamit ng ilang tools o equipment.
Dagdag pa ni Engr. Reyes, maraming lugar at gamit sa bahay ang peligroso at maaaring magdulot ng kapahamakan sa mga bata.
Para sa mga saksakan ng kuryente na mababa, lagyan ito ng mga socket o plug cover para hindi mahawakan ng baby.
Itago rin nang maayos o ilagay sa mga matataas na lugar ang mga matatalim na bagay para hindi maabot ng mga bata, ayon kay Engr. Reyes.
Puwede ring i-padlock ang mga drawer o boxes, lalo kung delikado ang mga laman nito para sa paslit.
Maaari namang lagyan ng corner guards ang mga lamesa at upuan para maiwasang magasgasan o magkasugat ang bata.
Payo pa ni Engr. Reyes, dapat na mas malaki sa bibig ang bibilhing laruan para hindi ito malulunok ng baby kung sakaling isubo.
Mas mabuti rin kung kahoy ang mga bibilhing laruan para maiwasan ang toxic na mga kemikal mula sa mga laruang plastic o bakal.
"'Pag ba ako'y napasobra sa trabaho, kahit hindi ko ba siya tingnan, maaaksidente ba siya? Napakaliit lang po nito, pero it will save our lives," sabi ni Engr. Reyes. --FRJ, GMA News