Kahit maraming taon na ang nakalilipas, sariwa pa rin sa alaala ng apat na dating mag-aaral ng Philippine High School for the Arts (PHSA) ang naranasan umano nilang seksuwal na pang-aabuso sa kamay ng isang dating nagtuturo sa paaralan.
Sa special report ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” matapang na inilahad ng apat na dating mag-aaralan kung ano ang nangyari noong nag-aaral pa sila sa PHSA na nasa Los Banos, Laguna.
Ang tatlo sa kanila--sina John, Michael, at Raymond, hindi nila tunay na mga pangalan-- sinabi na isang beteranong theater instructor ang nang-abuso sa kanila.
“Sa loob ng anim na taon dun, nanggagapang siya,” ani Raymond. “Naisipan ko rin nang ilang beses na sumigaw pero hindi ko alam kung ano ‘yung pumipigil na gawin ko ‘yon.”
Ayon kay Michael, hinahawakan siya ng kanilang guro. Si John naman, sinabing Grade 8 sila nang may hilingin ang guro sa kaniya.
“Siya ‘yung nag-request sa akin kung puwede ba kaming mag-sensual friends or sexual friends or intimate friends,” pahayag ni John.
Aminado si Raymond na magiling magturo ang kanilang guro at mapagbigay. Mahusay raw itong makipag-usap sa mga estudyante kaya inidolo nila ito.
“Tinatanong niya na ‘yung sex life ko. Aware kasi siya na I'm not from a well-off family so parang ginamit niya ‘yon. ‘Yung mga slight gastusin namin siya ‘yung nagbibigay,” paglalahad niya.
Nag-aalok din umano ang guro na mag-ensayo sa kaniyang bahay sa Quezon City. Doon na rin umano sila natutulog. Nangyayakap umano ito at may pagkakataon na nagtatangkang ipasok ang kamay niya sa kanilang shorts.
Nais daw nilang magsalita laban sa guro pero natatakot sila na baka maapektuhan ang kanilang grado.
“Nakakalito rin kasi 'yung naging dynamic at relationship namin sa kanya. Minsan kaibigan, minsan halimaw siya 'pag gabi,” ani Raymond.
“Pakiramdam ko nabilog niya utak ko. Ngayon, iniisip ko talaga bang nagtiwala siya sa kakayahan ko bilang isang scholar kaya ganun siya ka-generous o dahil lang ba gusto niya akong manyakin?,” patuloy niya.
Kinalaunan, nalaman ng tatlong mag-aaral na hindi lang sila ang nakaranas ng naturang pang-aabuso mula sa naturang guro.
Ang theater actor at filmmaker na si Jerom Canlas, matapang na lumantad para ibahagi rin ang kaniyang naranasan noong nag-aaral pa sa PHSA.
“Kapag katabi mo siya, talagang mangyayakap siya. Ilalagay niya ‘yung kamay niya sa loob ng t-shirt ko. Ang siste ko na nu’n ever since, maglalagay talaga ako ng unan sa gitna ng paa ko kasi alam ko na e,” kuwento niya. “Luckily for me hindi naman siya nag-progress into any further.”
Noong November 2021, pumanaw ang naturang guro. Batay sa mga ulat, sinabi ni Jerom na nag-suicide ito. Dito na rin nagsimulang kumalat ang ginawa umano niyang mga pang-aabuso.
Isang linggo matapos pumanaw ang guro, nakatanggap sina John at iba pang biktima ng scheduled email mula rito. Humingi ito ng paumanhin sa kaniyang maling nagawa sa kanila.
Pero ayon kay Jerom, may iba pang nang-aabuso sa naturang paaralan.
“Maliban pa doon, mayroon din kaming houseparent sa Makiling. Towards girls very malicious siya. At kinakandong niya ‘yung mga batang babae,” aniya.
“At hindi lang po sexual abuse, actually. May ilan ding forms of emotional, mental, verbal abuse, kailangan i-treat siya na big deal siya kasi ang biktima ay minors,” patuloy niya.
Iniulat din ng VICE World News ang sinasabing “culture of sexual abuse” makaraang makausap umano ang mahigit isang dosenang PHSA students, alumni, at faculty member.
Nais ni Jerom na magkaroon ng pananagutan ang pamunuan ng paaralan at magkaroon ng reporma para sa kaligtasan ng mga nag-aaral doon.
Ayon sa KMJS, sinakap nilang makuha ang panig ng PHSA pero tumanggi sila sa panayam. Sa halip, nagbigay sila ng kaniyang opisyal na pahayag noong July 20.
“The PHSA Management would like to express our sympathy to those who voiced their complaints. As these are alumni from past years, with one of them going back from almost 20 years ago, they have been advised to file their sworn complaints with the proper forum such as the school’s committee(s) designated for this task as we are a government agency and abide by Civil Service rules. They can also file their case in court,” ayon sa pahayag.
Ang Department of Education, hiniling sa National Bureau of Investigation na siyasatin ang naturang alegasyon sa PHSA.
“Ang call talaga ngayon ay matigil ‘yung ganitong klaseng kultura at hindi siya mag continue sa mga future generations,” sabi ni Jerom.
Nitong Linggo, naglabas ang PHSA ng dagdag na pahayag:
This is to inform the public that:
1. The DepEd and the NBI are currently conducting parallel investigations and assisting the PHSA in strengthening mechanisms to ensure the safety of the students of the School.
2. We commiserate with and our hearts go out to the victims. The teacher subject of the allegations was no longer hired by the School in late 2018 and has died last year.
3. The alleged activities took place off-campus and were not sanctioned by the School.
4. For students' concerns and complaints, please email codi@phsa.edu.ph and for those who wish to file charges, please coordinate with the NBI Special Action Unit (c/o Atty Eugene Javier) tel. 86555619 for assistance.
Ang mga kaso ng sexual harassment sa paaralan ay maaaring ipagbigay-alam sa Department of Education’s Child Protection Unit.
Sa mga nakararanas ng depresyon at kailangan ng kausap, maaaring tumawag sa NCMH Crisis Hotline sa 0917 899 8727 (USAP) at 989 8727 (USAP).
—FRJ, GMA News