Umaasa pa rin si Rabiya Mateo na muli niyang makakapiling ang ama niyang Indiano, na matagal na niyang hindi nakikita. Ayon sa beauty queen, wala siyang galit sa ama at tatanggapin niya ito nang buong-buo kahit pa iniwan sila nito noong bata pa lang siya.
Sa "Updated With Nelson Canlas," muling inihayag ni Rabiya na gusto niyang mahanap ang kaniyang ama, at ayaw niyang magsisi na hindi niya ito sinubukan na hanapin.
"My dad is always a part of me kahit hindi ako lumaki na kasama siya. He's always been a source of inspiration, na gagalingan ko, na pagbubutihan ko para 'pag nakita niya ako, sasabihin niya na, 'Yang anak ko kahit pinabayaan ko 'yan, she turned out to do well sa buhay,'" saad ng 2020 Miss Universe Philippines.
"Mahal ko talaga 'yung daddy ko, I really love him. Probably it's also the daddy issues 'no, that's why. Pero overall, wala akong bitterness sa heart ko towards him," dagdag ni Rabiya.
Ayon kay Rabiya, hindi na niya kailangan pang marinig ang rason ng kaniyang ama kung bakit nagawa nitong iwan sila noon.
"Kasi I know kahit masakit [na] iniwan niya kami, may rason siya at actually, hindi ko na nga kailangang marinig ang rason na 'yun. 'Yung gusto ko lang malaman na okay siya, safe siya at kung kailangan niya ako bilang anak, I'm gonna be there to serve him," patuloy ni Rabiya.
Nagawa raw ni Rabiya ang hindi magtanim ng galit sa ama dahil na rin sa kaniyang ina na hindi raw nagsalita ng anumang masama ang kaniyang ama.
"Kasi minsan 'yung mama ko sinasabi niya na 'Oh baka magkita pa kami ng daddy niyo!' Ganu'n siya, parang hindi rin siya nagko-close ng doors," saad niya.
Kahit kailan ay hindi pa raw nakausap ni Rabiya ang kaniyang ama na si Syed Mohammed Abdullah Moqueet Irfan Hashmi, na nasa Chicago, Illinois, at isang doktor.
Mayroon siyang mga larawan na kasama niya ang ama, pero sanggol pa siya noon.
"Nobody messaged me with his name. Pero ako in my heart, alam ko na magkikita kami ng dad ko someday, somehow. I know, I know in my heart. And 'pag nangyari 'yon, wala talagang bitterness in my heart. Like yayakapin ko lang talaga siya and mamahalin ko ang tatay ko nang buong buo," sabi ni Rabiya.
Nagpahayag ng mensahe si Rabiya sa ama na tawagan lang siya kung gusto nitong kausapin siya.
"If somebody knows Syed Mohammed Abdullah Moqueet Hashmi from Chicago, you have a daughter here in the Philippines, my name is Rabiya, you named me. I hope that you are okay, I hope that you are doing very well. If you need somebody, daddy, if you need me, I'm just here. I'm waiting for you," pahayag ni Rabiya.--FRJ, GMA News