Wala pang nahuhuling suspek ang pulisya ng Boac, Marinduque kaugnay sa karumal-dumal na krimen na nangyari kamakailan sa nasabing bayan, na isang magkasintahang nagka-camping ang biktima. Pinatay ang lalaki at ginahasa ang babaeng menor de edad.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing wala pang suspek ang pulisya sa krimen pero mayroon na umanong "person of interest."
Bumuo na ng investigation task group ang Marinduque-PNP para mapabilis ang imbestigasyon at paglutas sa krimen.
"Meron na pong special investigation task group na binuo ang Marinduque Police Provincial Office upang mas mapabilis at mapalakas ang investigative effort na ginagawa ng Boac Municipal Police station," ayon kay Police Captain Clyde Kalyawen, Chief PIO, PNP MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan)
Hinimok naman ng MIMAROPA Police ang publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung may nalalamang impormasyon na makatutulong para madakip ang salarin.
Kasabay nito, tiniyak din ng pulisya na ligtas pa ring puntahan ng mga turista ang Marinduque, ayon sa ulat.
"Mas pinaigting na rin po ng ating kapulisan ang ginagawa pagpapatrolya at pagpapakalat sa lahat ng mga lugar na nasa mga liblib at sa itinuturing nating tourist destinations," sabi pa ni Kalyawen.
Sa isang pahayag ng Marinduque Police, sinabi nito na nagsagawa nitong Martes, July 19 ng case conference kasama ang lahat ng hepe ng iba't ibang yunit ng kapulisan sa lalawigan para sa agarang paglutas sa nangyaring krimen.
Nagbigay din ng direktiba ang PNP Provincial Director sa iba't ibang ahensya ng kapulisan sa lalawigan na huwag titigil hanggang sa mahuli ang salarin.
Matatandaan na dakong 1:30 am noong Biyernes nang pasukin ng salarin ang tent ng magkasintahan na nagka-camping malapit sa dagat sa Barangay Ihatub.
Pinagsasaksak nito ang lalaki, at ginahasa naman ang 17-anyos na babae, na nagtamo rin ng sugat sa leeg.
Tinangay din ng salarin ang ilang gamit ng mga biktima.--FRJ, GMA News