"Mali-mali" ang tawag sa taong magugulatin, madaling mataranta, o ginagaya o ginagawa ang sinasabi ng iba. Bakit nga ba ito nangyari at isa ba itong uri ng sakit o kondisyon na puwedeng gamutin?

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Maribel Cerez na madalas siyang nagugulat sa mga bumagsak na kaldero. Kapag nangyari ito, ginagaya niya sinasabi o ginagawa niya ang pinapagawa ng kaniyang katabi.
Pero ayon sa kaniya, hindi niya naman ito sinasadya at kusa lamang itong nangyayari dahil sa pagkabigla.

"Halimbawa bigla akong tinapik tapos biglang hinawakan ang balikat ko na hindi ko alam, nagugulat po ako," sabi ni Maribel. "'Pag sinabing 'Ibuhos mo ang tubig!' napapabuhos po, nababasa ko 'yung mga tao."

"Kaya sabi ko kapag may ginagawa ako, huwag akong gugulatin kasi baka mamaya makadisgrasya," kuwento pa ni Maribel, na madalas gulatin maging ng kaniyang sariling anak.

May mga pagkakataon na hindi sinasadya ni Maribel na makapanakit kapag ginugulat. Tulad ng pagpalo sa kaniyang katabi.

Paniwala ni Maribel, nakalakihan na niya ang pagiging magugulatin dahil madalas daw siyang binibigla mula pa noong bata.

Pero bukod kay Maribel ilang pang kababaihan sa kanilang lugar na mali-mali rin na katulad niya. Binansagang silang mga "mali-mali" ng barangay.
Nagsimula raw silang maging magugulatin nang gulatin sila sa isang lamay.

"Sa burulan, may nag-away sa labas. 'Yang karipas po ng takbo ko ay doon ako napasuot sa ilalim ng kabaong," kuwento naman ni Rowena Mancay.

Pero paliwanag ng psychiatrist na si Dra. Bernadette Arcena, hindi konektado ang lamay sa pagiging mali-mali ng mga ginang.

"In our field kasi, it should be evidence based. So kung walang basehan, that's not medically acceptable," sabi ni Dr. Arcena.

Paglilinaw pa ng duktora, hindi sakit o syndrome ang pagiging mali-mali.

"Wala talagang syndrome na 'mali-mali' sa field ng medicine. Itong mga bagay ay parang culture bound na nakikita, nangyayari sa natin sa paligid in the Filipino sense of behaviors. Actually it's worth studying kasi kung titingnan mo wala nga siya doon sa realm ng bibliya namin, pero nakikita natin na nangyayari talaga," anang doktora.

"So kung iti-tease out natin, it can be an episode of an over-anxious reaction," sabi pa ni Dr. Arcena.

Sinuri ng isa pang psychiatrist na si Dr. Joan Rifareal, ang kondisyon nina Maribel at Rowena.

"Normal reaction siya, 'yun nga lang, posibleng heightened ang kaniyang (Maribel) response sa mga tapik-tapik. Kung sa atin, konting tapik, 'Ay!' pero okay na. Kay ma'am, medyo heightened, medyo exagerrated ang kaniyang startle response, pero hindi siya sakit," sabi ni Dr. Rifareal.

"Normal siya, maaaring tingnan din natin siya na it's a body's way of coping niya. Puwede rin na may background din si ma'am na medyo anxious ang kaniyang personality," paliwanag pa ng duktora.

Pero sa kaso ni Rowena, posibleng may kinalaman ang kaniyang pagiging magugulatin sa kaniyang mga traumatic na karanasan.

"Sintomas sila na posible, for example si ma'am (Rowena), 'yung dumaan sa maraming pagsubok, sa buhay. May mga danger kasi na-expose siya sa totoong pangyayari. It can be very traumatic. Puwede siyang sintomas ng post-traumatic stress disorder," paliwanag ni Dr. Rifareal.

Kuwento ni Rowena, may mga nag-away-away at nagpukpukan ng bote sa lamay na kaniyang dinaluhan, kung saan isa ang nasawi.

Paliwanag ng mga eksperto, dapat unawain at tulungan ang mga taong mali-mali, imbes na pagtawanan. -- FRJ, GMA News