Ubod nang sakit ang pulikat o muscle spasm kapag umatake. Bakit nga ba ito nangyayari at ano ang dapat gawin kapag pinulikat?

Sa programang "Pinoy MD," binalikan ang nangyari sa isang siklistang pinulikat. Dahil sa matinding sakit at takot na baka umakyat pa sa katawan ang paninigas ng muscle, humingi na siya ng tulong sa kapuwa niya siklista.

Pinahiga ng nagmalasakit na siklista ang siklistang inatake ng pulikat para mahilot niya ang binti nito at makapag-relax ang muscle.

Ayon sa "Pinoy MD," ang pulikat ay biglaang maninigas ng kalamnan na hindi kontrolado at may kasamang matinding sakit.

Kahit natutulog, umaatake ang pulikat kapag inunat ang binti lalo na kung malamig ang panahon.

Sinasabing isa sa mga puwedeng gawin kapag pinulikat ay umupo upang ma-relax ang binti.

"Kapag pinupulikat, automatic kailangan umupo ka na. Kung ipu-push mo sa'yo yung paa mo para hindi masyadong mapuwersa o hindi lumala yung pulikat," sabi ni Abimelech Baldomero, ang siklistang tumulong.

Aminado si Baldomero na maging siya ay madalas ding makaranas ng pamumulikat.

Ayon sa internist na si Dr. Kevin Ang, kailangan lang talagang i-relax ang muscle kapag pinulikat dahil mawawala rin ito pagkaraan ng ilang minuto.

Maaaring ding maglagay ng cold compress.

Ang kawalan ng tamang pahinga, kakulangan ng tubig sa katawan, hindi sapat ang nutrisyon,  sobrang pagod o sobrang ehersisyo, ang ilan sa mga posibleng dahilan ng pamumulikat.

Alamin ang iba pang paraan upang makaiwas sa pulikat at bakit pati ang buntis ay maaaring makaranas din ng madalas na pamumulikat. Panoorin ang video ng "Pinoy MD."--FRJ, GMA News