Isang babaeng street sweeper mula sa Malabon, at isang magsasaka mula sa Quezon ang magkahiwalay na nanalo ng tig-P100 milyon sa online lottery ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa inilabas na pahayag ng PCSO, sinabing kinubra na ng tagawalis sa kalye ang napanalunan nitong P103,269,281.60 matapos tamaan ang lumabas na kombinasyon ng mga numero sa MegaLotto 6/45 draw noong June 17, 2022.
Hindi umano makapaniwala ang street sweeper, na napaluhod at napaiyak nang malaman na tumama siya at mag-isa niyang napalunan ang mahigit P100 milyong premyo.
Batay sa impormasyon mula sa pahayag, 25 taon na umanong nagtatrabahong street sweeper ang babae at walang permanenteng trabaho ang kaniyang mister.
Araw-araw umanong tumataya ng lotto ang babae dahil nangangarap siyang tatama at magiging milyonaryo. Itinuturing niyang biyaya mula sa Diyos ang nangyaring suwerte sa kaniyang buhay.
Plano raw ng babae hatiin sa kaniyang mga anak ang premyo, bumili ng bahay, at hatian ang mga kapatid, at magbigay sa simbahan.
"Hanggang ngayon po, hindi ako makapaniwala. Umiyak po ako nang sobra–sobra," sabi ng babae sa pahayag ng PCSO.
P100-M din sa magsasaka
Sa hiwalay na pahayag ng PCSO, sinabing kinubra na rin ng sole winner mula sa General Luna, Quezon ang napanalunan nitong P100,064,568.00.
Ang naturang premyo ay mula naman sa pagtama niya sa mga numerong lumabas sa Ultra Lotto 6/58 draw noong May 24, 2022.
Ayon sa pahayag, sinabi ng 29-anyos na magsasaka na tinamaan niya ang mga lumabas na numero sa pamamagitan ng "lucky pick" system.
“Ang suwerte minsan, hindi natin aakalain kung kailan darating. Ang tanging magagawa na lang natin ay patuloy na sumubok at maniwala. Patuloy lang tayong manalig sa Panginoon," ayon sa pahayag. --FRJ, GMA News