“Ngunit sinabi sa kaniya ni Hesus. “Maglingkod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay”. (Mateo 8:22 – Magandang Balita Biblia)
NAPAKARAMING pinagkaka-abalahan ng mga tao ngayon. Halos hindi na magkanda-ugaga ang iba sa dami ng kanilang inaatupag.
Sa pagsulpot ng social media, lalo pang nawalan ng oras ang mga tao para sa mga bagay na higit na mahalaga at mas dapat nilang pagtuunan ng pansin.
Minsan, sa loob ng isang pamilya, halos hindi na nagkakapag-usap, o magkamustahan man lang ang mga miyembro nito. Sapagkat ang bawa’t isa sa kanila ay abala o masyadong busy sa pagpindot sa kani-kanilang cellphone o gadget.
Naka-angkla na sa mga gadget at cellphone ang kanilang oras at panahon. Dito na nila ipinaubaya ang kanilang buhay. Ang nakakalungkot lamang, baka mas kilala pa nila ang mga sikat na personalidad sa social media kaysa kay Hesus.
May mga pagkakataon din na masyado tayong nag-aalala sa napakaraming bagay. Subalit iisang bagay lamang ang dapat natin pagka-abalahan at pagtuunan ng pansin--ito ay ang ating relasyon sa Panginoong Diyos.
Ganito ang mensahe sa atin ng Ebanghelyo (Mabuting Balita – Mateo 8:18-22). Sapagkat nais nitong ituro ang pagpapaubaya natin sa napakaraming bagay na pinagkaka-abalahan at ipinag-aalala natin sa buhay.
Matutunghayan natin sa Pagbasa ang tungkol sa isang tagapagturo ng Kautusan na nagwika kay Hesus na nais nitong sumunod sa Kaniya patungo sa misyon kasama ang Kaniyang mga Alagad sa kabilang dako. (Mateo 8:19-20).
Ang ginawa ng tagapagturo ng Kautusan ay nangangahulugan lamang na ipinaubaya at ipinagkatiwala na niya ang kaniyang buhay sa kamay ng ating Panginoon HesuKristo. Sa kabila iyan ng tinatamasa niyang karangyaan sa buhay.
Matapos nito ay wikain ni Hesus na, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may pugad ang mga ibon. Ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao. (Mateo 8:20).
Maaaring ang lahat ng magagandang bagay na mayroon dito sa ibabaw ng mundo ay pag-aari ng lalaki. Ngunit sa kabila nito, may isang bagay pa rin ang nagkukulang sa kaniya na hindi niya matagpuan sa kaniyang mga kayamanan.
Ang kulang na iyon ay ang presensiya ni Hesus sa kaniyang buhay. Maaaring masyado rin siyang abala sa napakaraming bagay at nakatuon na lamang ang kaniyang panahon ay oras sa kaniyang kayamanan.
Kaya dumating sa kaniyang buhay ang pagkakataon na mayroon siyang hinahanap na hindi niya matagpuan sa kaniyang kayamanan. Dahil matatagpuan lamang niya ito kung mananampalataya at susunod siya kay Hesus.
Kahit sandamakmak pa ang ating kayamanan at kahit sagana tayo sa napakaraming bagay, kung wala naman ang presenisya ng Panginoong Diyos sa ating buhay, sa tingin niyo ba’y kayang solusyunan ng karangyaan ang ating kapighatian?
Sa kabilang dako, ang isa mga Alagad na humingi ng pahintulot kay Hesus upang maipalibing nito ang kaniyang ama bago siya sumama kay Hesus (Mateo 8:21) ay pumapatungkol sa mga taong maraming dahilan at pinagkaka-abalahan.
Ang kanilang mga dahilanan--tunay man o hindi--ang isa sa mga humahadlang kaya hindi sila makasunod kay Hesus. Ito rin ang nagpapahina at pumapatay sa ating pananampalataya.
Itinuturo sa atin na ang lahat ng mga bagay na hindi natin mabitaw-bitawan at naka-angkla sa ating buhay ay ipaubaya nating lahat kay Hesus. Ipaubaya natin ang lahat ng bagay na nagsisilbing hadlang sa ating pananampalataya.
Ang hamon sa atin ngayon ng Ebanghelyo ay kaya mo rin bang iwan at talikuran ang mga bagay na pinagkaka-abalahan mo sa buhay para sa sumunod sa Panginoon? Katulad ng ginawa ng tagapagturo ng Kautusan, o tulad ka lamang ng Alagad na nagpaalam muna at may idinahilan?
Kung pipiliin mong sumunod kay Hesus, ipaubaya mo sa kaniya ang lahat ng bagay na hindi mo mabitaw-bitawan, sapagkat ang lahat naman ay ipagkakaloob ng Diyos basta’t magtiwala ka lang sa Kaniya. AMEN.
--FRJ, GMA News