Ano nga ba ang dapat gawin kapag nabiktima ng contractor na hindi ginawa ang bahay kahit nabayaran na? Ang contractor pa umano ang nagbabanta na kakasuhan ng cyber libel ang taong magpo-post ng paninira laban sa kaniya.
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," dumulog si Cherry Lyn Guiang-Saguid, na nasa Israel ngayon bilang isang OFW, dahil sa hindi umano pagtupad ng kausap niyang kontratista para i-renovate ang kaniyang bahay sa isang subdibisyon sa Bulacan.
Pero bukod sa kaniya, mayroon pa umano siyang ibang kapuwa residente sa subdibisyon na nakontrata rin ng kausap niyang kontratista na hindi rin tinapos ang paggawa ng bahay.
Ang masaklap, ayon kay Guiang-Saguid, may mga unit na dating puwede nang tirhan ng may-ari makaraang i-turnover ng developer ng subdibisyon, ngayon ay hindi puwedeng tirhan matapos gibain ng kontratista pero hindi naman ginawa.
Kuwento ni Guiang-Saguid, siya ang unang naging "kliyente" ng inirereklamo niyang kontratista. Kapitbahay daw niya ito sa subdibisyon kaya nagtiwala siya na ito na lang ang mag-renovate ng kaniyang bahay.
Aminado si Guiang-Saguid na wala silang pinirmahang kontrata ng kontratista pero mayroon silang palitan ng chat tungkol sa proyekto.
Bukod sa walang kontrata, ipinaliwanag ni Guiang-Saguid na ang ibinigay niyang P300,000 sa kontratista ay hindi direktang bayad sa gagawing renovation ng bahay.
Sa halip, mistula itong investment na ipinasok bilang pondo umano para sa iba pang proyekto ng kontratista. Pumayag naman daw ang OFW dahil sa kakilala niya ito at naniwala siya sa pangakong gagawin ang kaniyang bahay.
Ngunit makalipas ang ilang buwan, hindi natapos ang bahay ni Guiang-Saguid. Nalaman din niya na may iba pa siyang kapuwa homeowners na kinontrata ang kontratista na sa halip na i-renovate ang mga bahay ay tila winasak lang.
Dahil dito, humihingi ng payo si Guiang-Saguid kung ano ang puwede niyang gawin at ng iba pang nabiktima umano ng kontratista. May magagawa pa ba ang developer ng subdibisyon para matulungan ang mga may-ari ng bahay kahit na-i-turnover na ang mga unit?
Ayon kay Atty. Felix Brazil, Region 3 Director ng Department of Human Settlements and Urban Development, maaaring magsampa ng reklamo sa regular na korte ang mga nagrereklamo laban sa kontratista.
Kabilang umano sa reklamong puwedeng isampa ng mga nagrereklamo ay civil action sa korte para obligahin ang kontratista na gawin ang kanilang napagkasunduan.
"O kung hindi naman mag-file siya ng breach of contract with damages," dagdag ng opisyal, na ipinaliwanag din na hindi saklaw ng kanilang tanggapan ang ginawa ng kontratista.
"Iba po kung ang nag-violate yung developer (ng subdibisyon)," saad ni Brazil.
Gayunman, ipatatawag pa rin daw nila ang developer ng subdibisyon para alamin kung kilala nito ang inirereklamong kontratista upang matulungan ang mga biktima.
Aalamin din ni Brazil kung ano ang ginawang aksyon ng developer kasunod ng sumbong ni Guiang-Saguid, na ipinaalam daw niya sa developer ang ginawa ng kontratista pero wala umanong ginawa ang developer para mabigyan ng babala ang ibang residente sa subdibisyon.
Naniniwala si Guiang-Saguid, na hindi raw sana dadami ang nabiktima ng inirereklamong kontratista kung gumawa ng hakbang ang developer.
Pinayuhan din ni Brazil si Guiang-Saguid na sampahan ng reklamo ang kontratista at huwag mag-alala sa banta na sasampahan siya ng cyber libel kung katotohanan naman ang kaniyang sinasabi.
Ipinaalala naman ni Brazil na maaaring idulog sa kanilang tanggapan ng mga nakakabili ng bahay ang mga problema nila sa mga developer na hindi sumusunod sa nakasaad sa kanilang kontrata.
May paalala rin siya na suriin munang mabuti ang unit na bibilhin bago pumirma ng pag-turnover ng bahay, at alamin kung tunay at awtorisado ang nagbebenta ng mga bahay. --FRJ, GMA News