Walang kamalay-malay ang may-ari ng isang bahay sa Peru na nakatirik pala ang kanilang tahanan sa isang sinaunang libingan matapos na may makitang mga kalansay at mga antigong gamit na tinatayang 500 taon na ang edad.
Sa GMA News Feed, sinabing nadiskubre ang libingan nang maghukay ang mga trabahador sa nire-renovate na bahay at makita nila ang mga kalansay na nakabalot pa ng tela.
May kasama pa itong ang mga ceramics at lumang kagamitan na gawa sa tanso at pilak.
Sinabi ni Hipolito Tica, may-ari ng bahay, na ilang dekada na ang kanilang bahay kaya kailangan nang ipakumpuni.
Lumabas sa pagsusuri ng mga eksperto na nasa 500 taon na ang tanda ng mga labi, na nanggaling sa Riricancho society na nanirahan sa Lima bago pa ang Inca Period noong 1400s.
"It was something I didn't expect. I didn't know exactly what was there. From what Mr. Julio (archaeologist) told me, this is something unique. I have no words to describe it. I hope that the next generations will know what we have found here," sabi ni Tica.
"We thought there was only soil here, but there is a lot of history underneath that soil," dagdag ni Tica.
Hinala ng mga archaeologist, posibleng mayroon ding mga nakalibing na bangkay at mahahalagang artifacts sa mga kapitbahay ni Tica.
"This entire urban area is classified as an emergency zone. When the neighbors carry out soil removal, they may find archaeological remains," ayon sa archeologist na si Julio Abanto.
Wala pang linaw kung maghuhukay din ang mga archeologist sa iba pang bahagi ng compound.
Umabot na sa daan-daan ang mga nadiskubreng archeological sites sa Peru sa mga nagdaang taon, na galing sa mga kulturang nabuo bago at pagkatapos ng Inca Empire. --FRJ, GMA News