Gustong magpakasal pero no jowa? No problem 'yan sa isang babae sa India na pinakasalan na lang ang sarili dahil pagod na raw sa paghahanap ng kaniyang "the one."
Sa video ng GMA News Feed, sinabing napagod na raw si Kshama Bindu sa paghahanap ng karelasyon kaya pinili na lang niya pakasalan ang sarili kahit pa nagdulot ito ng kontrobersiya at pagtutol sa isang pro-Hindu political party sa kanilang bansa.
Ginawa ni Kshama, 24-anyos, ang mga tradisyonal na Vedic rituals, o tradisyon sa kasalan ng mga Hindu.
Unang itinakda ang kaniyang kasal noong Hunyo 11 pero hindi natuloy nang umurong ang pari at kinansela ng templo ang kaniyang booking.
Pero itinuloy niya ang kasal sa kaniyang bahay na wala raw pinagkaiba sa ibang Hindu wedding dahil ginawa niya ang lahat ng tradisyon.
Napag-alaman na isang bisexual si Kshama, na niniwala na siya ang kauna-unahang "sologamist" ng India.
Nais daw niyang maging inspirasyon sa mga pagod nang maghanap ng true love.
Pero tutol ang pro-hindu political party na Bharatiya Janata Party, sa ginawa ni Kshama. Labag umano sa paniniwala ng Hinduism ang ginawa niya.
Ayon kay Kshama, suportado ng kaniyang ina at mga kaibigan ang kaniyang pagpapakasal sa sarili.
Labis na kasiyahan umano ang kaniyang naramdaman matapos ang kaniyang kasal.--FRJ, GMA News