Gustong makasagupa ni John Riel Casimero ang Japanese boxing champ na si Naoya Inoue, na tumalo sa kapuwa niya Pinoy na si Nonito Donaire.
Sa pagkapanalo ni Inoue laban kay Donaire nitong Martes, tatlong world bantamweigh belt na ang hawak ng tinaguriang "The Monster"-- WBC, WBA, at IBF belt.
Habang na kay Casimero ang isa pang belt para sa naturang weight division-- ang WBO.
"Tatlong belt na kay Naoya Inoue--WBC, IBF at WBA. Nandito sa akin yung WBO. Naoya Inoue, you're a monster? No. You're no monster, you're Japanese turtle again!," tila hamon ni Casimero kay Inoue sa kaniyang video post sa Youtube.
"Walang ibang makakatalo kay Naoya [tanging ang] angas ng Pinas, batang Ormoc, John Riel Casimero," sabi pa niya.
Natalo si Donaire sa rematch niya kay Inoue na ginanap sa Saitama, Japan nitong Martes. Tumagal lang ng dalawang round ang laban matapos bumagsak ang "The Filipino Flash."
Pero kung noon ay naging maangas ang mga pahayag ni Casimero laban kay Donaire, ngayon ay binati niya ang kababayan at si Inoue sa naging magandang laban ng dalawa.
"Maganda ang laban. May mananalo talaga at may matatalo, ganun talaga yung boksing," sabi ni Casimero.
"Ginawa naman ni Donaire yung best niya na manalo sa laban," sambit pa niya. "Donaire sana ok ka lang diyan. 'Wag kang mag-alala Donaire, babawi tayo. Lahat ng mga Filipino ipaglalaban natin yung nangyari kay Donaire. So abangan niyo guys."
Sabi pa niya sa Japanese boxer, "Naoya Inoue hopefully magkikita tayo."
Noong 2020, inanunsiyo ni Casimero, 33, na posibleng makasagupa na niya si Inoue pero hindi natuloy dahil sa COVID-19 pandemic.
Dalawang laban naman ni Casimero kontra sa mandatory challenger na si Paul Butler ang hindi natuloy. Una ay bunga ng pagkakaroon niya ng viral gastritis sa araw weigh-in, at ikalawa ay paglabag niya sa British Boxing Board of Control sa paggamit niya ng sauna bago ang laban.
Dahil sa kabiguan niyang idepensa ang belt ng dalawang ulit, pinapatanggal ng sanctioning body ang hawak niyang belt.—FRJ, GMA News