Bata pa lamang, nagpahirap na para sa isang dalagita ang tumubong bukol sa kaniyang bibig. Naging dahilan ito para maging tampulan siya ng tukso. Kaya ang kaniyang kahilingan sa kaniyang 18th birthday, ang maoperahan na sana siya.
Sa kuwentong "Brigada" ni Mav Gonzales, ikinuwento ng 17-anyos na Tiktoker na si Daniela Ancia Gamboa, na inborn ang bukol sa kaniyang bibig na lumalaki habang tumatanda rin siya.
Dahil dito, kinutya si Daniela noong pumasok na siya sa paaralan.
"Hindi naman talaga mawawala sa paaralan, mababaguhan 'yung mga tao sa'yo. Unang kita pa lang nila sa'yo ija-judge ka nila, ibu-bully ka nila. Noong tumuntong ako ng high school, nawalan ako ng gana pumasok, puro mga kaklase ko bully dito bully doon. Mga one week akong hindi pumasok noon," kuwento niya.
"Napi-feel ko siya na sumasakit every morning. Paggising ko na, maiiyak na lang talaga ako sa sakit at kirot niya," dagdag ni Daniela.
Nang magpatingin noong 2019, natuklasan na merong venous malformation si Daniela.
Ayon kay Dr. Rodolfo Fernandez III, M.D., FPSO-HNS, ang venous malformation ay isang uri ng vascular anomaly o uri ng koleksiyon ng mga abnormal na blood vessel, lalo ang veins.
Kadalasan itong makikita pagkapanganak ng isang tao, na napagkakamalang birthmark kaya ito ay minamaliit lamang.
Isa hanggang dalawa sa bawat 20,000 tao ang nagkakaroon ng venous malformation.
Payo ni Dr. Fernandez, dapat itong matanggal hangga't bata pa ang isang tao, dahil lumalaki rin ito sa pagdagdag ng edad ng mayroon nito.
Nasa 10 pulgada ang laki ng bukol ni Daniela, at tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng isasagawang operasyon sa kaniya.
Naging paraan ni Daniela ang pag-post sa social media tungkol sa kaniyang kondisyon habang umaasang may makatutulong sa kaniyang operasyon.
"Gusto ko po talagang maoperahan na ako, nahihirapan na talaga ako sa sitwasyon ko ngayon," anang dalagita.
Pero maging sa social media, hindi naiwasan ni Daniela na ma-bash dahil sa bukol sa kaniyang bibig.
"Hindi naman talaga mawawala 'yung bash like, 'Ano ba 'yan, kumakain ka ba ng kamote?' 'Bakit ka kumakain ng atay?' Marami pang mas owrse na comment tapos hindi ko na lang pinakikialaman, and 'yun lang good comments na nirereplyan ko," sabi ni Daniela.
"Mas marami namang positive na comment like 'Oh my God I like your confidence," dagdag niya.
Sa pagdaan ng panahon, natuto na si Daniela na magtaas noo na ipakita ang kaniyang kondisyon, at umaawra na rin sa social media.
"Hindi kasi ako 'yung tipo ng tao na nagpapaapi, pinapabayaan tao na binu-bully ako, kasi 'pag once na pinababayaan mo lang sila, nasasanay sila, parang hindi sila natatakot. Ito na 'yung bigay ni God so wala na akong magagawa. Kung ikukuwestiyon ko pa si God bakit ako ganito, magkakasala pa ako sa Panginoon," sabi ni Daniela, na nasa Grade 10 na at pangarap maging nurse.
Para sa mga nais tumulong kay Daniela, maaaring mag-donate sa account na ito:
Genaphen Luzon
Gcash: 0948-627-6759
--FRJ, GMA News