Laging balot ng putik ang tatlong magkakapatid na lalaki na isinakripisyo ang pag-aaral para manghuli ng hito at makatulong sa kanilang magulang.
Ang magkakapatid na itinago sa pangalang Darwin, 12-anoys; Jeff, 8; at Mark, 5, tumutulong sa kanilang amang si Rolando sa paghuli ng hito sa putukan sa Bulacan.
Hindi nila alintana ang makapal na putik at init ng araw para makahuli lang ng hito gamit ang kanilang kamay.
May pagkakataon din na nasusugatan sila kapag may naapakang basag na bote sa ilalim ng putik.
Si Darwin, hirap maglakad dahil namamaga ang isang paa matapos na matapilok at malaglag sa palaisdaang putikan.
Tinanong ang mga bata kung bakit patuloy sila sa panghuhuli ng hito kahit peligroso. Anila, nais nilang makatulong sa kanilang magulang.
“Nagagalit po sila sa akin, bakit pa lumulusong ako kaya naman daw po nila. Eh nakita ko po kasi nahihirapan po. Para mabilis po silang makaahon po tsaka makapahinga na po sila,” ani Darwin.
Sampung taon nang nagtatrabaho si Rolando sa sakahan, Kumikita siya ng P6,000 isang buwan, at pinapayagang manghuli ng hito para sa kaniyang pamilya.
Pero hindi pa rin sapat ang kaniyang kita para tustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya dahil walang permanenteng hanapbuhay ang kaniyang asawa.
Tutol man ang mag-asawa na magtabaho ang kanilang mga anak, pero ang mga bata umano ang gustong tumulong sa kanila.
“Dati, pinagbabawalan ko yan,” ani Rolando. “Naaawa rin ako kaya lang e gusto nila talaga.”
“Talagang masakit sa loob ng isang magulang ‘yung ang liliit ng anak n'yo, makita niyo naghihirap. Hindi obligasyon ng anak ko ‘yung ganyan na kay bata-bata pa tutulong na sa akin,” sabi naman ni Nene.
Para matulungan ang pamilya, sinamahan ng team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" si Darwin na naipasuri sa duktor ang kaniyang paa. Binigyan din si Nene ng tulong para magsimula ng maliit na sari-sari store.
Nagkaloob din ng tulong sa pamilya ang lokal na pamahalaan, at binigyan ng scholarship ang panganay sa magkakapatid para makapag-aral.
“Gusto ko rin sanang makapagtapos ang mga anak ko para naman hindi sa panahon na laging nandito sila sa fish pond,” ayon kay Rolando.
“Gusto ko na din po tumigil po [magtrabaho]. Maglaro na lang po kam,” sabi naman ni Jeff.
Nagpasalamat ang mag-asawa sa mga tulong na kanilang natanggap. Kasabay ng patuloy na paalala sa mga anak na magpursige para maabot ang kanilang pangarap.
“Isa lang ang sinasabi sa kanila, ‘Magsikap kayo para maabot niyo ‘yung pangarap n’yo. Wala naman kaming maipapamana sa inyo,’” ani Nene.
Sa mga nais tumulong sa pamilya, maaaring mag-deposit sa:
BDO Unibank, Inc.
ACCOUNT NAME: Danilo Sotto Jr
ACCOUNT NUMBER: 0084 1017 4370
—FRJ, GMA News