Inatake sa puso at namatay ang mister ng isa sa dalawang guro na iniharang kanilang katawan para protektahan ang mga batang estudyante sa nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Texas. Ayon sa mga kaanak, labis na dinamdam ng lalaki ang nangyari sa kaniyang asawa.

Sa GoFundMe page na ginawa ni Debra Austin, na nagpakilalang kaanak siya ng nasawing guro na si Irma Garcia, sinabi niya na ang mister ni Irma na si  Joe, "has tragically passed away this morning (5/26/2022) as a result of a medical emergency."

"I truly believe Joe died of a broken heart and losing the love of his life," dagdag niya.

Ayon naman sa tweet ni John Martinez, na nagpakilalang pamangkin ng mag-asawa: "EXTREMELY heartbreaking and come with deep sorrow to say that my Tia (aunt) Irma's husband Joe Garcia has passed away due to grief."

Sa tweet ng news anchor sa local station KABB FOX San Antonio, nakasaad na atake sa puso ang ikinamatay ni Joe.

Sa website ng Robb Elementary school kung saan nagtuturo si Irma at pinangyarihan ng malagim na krimen, 24 na taong nang mag-asawa ang dalawa, at mayroon silang apat na anak.

Kasama ni Irma na nasawi sa pamamaril sa naturang paaralan ang co-teacher na si Eva Mireles.

Magkatabi lang ang kanilang classrooms na pinasok ng 18-anyos na salarin na si Salvador Ramos, na napatay ng mga rumespondeng awtoridad.

Nasawi rin sa madugong krimen ang 19 na batang estudyante. Ayon sa mga awtoridad, prinotektahan ng Irma at Eva ang mga estudyante nila.-- AFP/FRJ, GMA News