Dapat nating pakinggan ang boses ng Panginoong HesuKristo (Juan 10:27-30). “Nakikinig sa Akin ang Aking mga tupa. Nakikilala Ko sila at sumusunod sila sa Akin.” (Juan 10:27)
NAPAKA-INGAY na ng mundong ginagalawan natin. Kaya minsan ay hindi na natin alam kung sino ang ating pakikinggan. May kaniya-kaniya tayong paniniwala, may kaniya-kaniya tayong paliwanag tungkol sa ating pananampalataya.
Kaya naman hindi na nakapagtataka na sa halip na maging maliwanag ay lalo pang nagiging malabo at nagkakasalungat ang magkakaibang paniniwala at pananampalataya.
Lalo lamang tayong nalilito dahil hindi na natin mawari kung kanino ba talagang "boses" ang dapat nating pakinggan. Hindi na natin malaman kung sino ba ang nagsasabi ng tama at kung sino naman ang nagsasabi ng mali.
Kaya may ilan sa atin ang mas lalong nahuhulog sa pagkakasala sa halip na makaiwas o maka-ahon mula dito. Dahil sa maling boses na kanilang pinakikinggan.
Huli na nang malaman nila na ang boses na pinakinggan pala nila ang magpapahamak sa kanila at sisira ng kanilang buhay. May mga nalulong sa masamang bisyo dahil sa mga pambubuyo ng kaniyang mga kabarkada.
Mga mga babaeng napapariwara at nasisira ang kinabukasan dahil sa matamis na salita na kanilang nadidinig. May mga mananampalataya na hindi batid na salungat pala sa tunay na turo ng Diyos ang mga aral na mapapakinggan nila sa kanilang pinuno.
Sadyang kung minsan, may mga boses tayong naririnig na mapanlinlang at magdadala sa atin sa kapahamakan.
Sa ating Mabuting Balita (Juan 10:27-30), ipinapaalaala sa atin ang pinakamahalagang boses na dapat nating pakinggan. Ito ay ang boses mismo ni Hesus. Katulad ng isang mabuting Pastol na pinakikinggan ng kaniyang mga tupa.
Winika ni Hesus sa Ebanghelyo na nakikilala ng mga tupa ang Kaniyang boses at sumusunod ang mga ito sa Kaniyang sinasabi. At binibigyan Niya ng buhay na walang hanggan ang mga nakikinig sa Kaniya. (Juan 10:28)
Nangangahulugan lamang na nagtitiwala ang mga tupa sa Kaniyang boses. Hindi nila pinakikinggan ang ibang boses kundi ang kay Kristo lamang. Isang pagpapatunay na pinagkakatiwalaan ng mga tupa si Hesus na isang mabuting Pastol.
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na pakinggan natin ang tinig ng Panginoong Hesus katulad ng mga tupang sumusunod sa Kaniya upang huwag tayong mapariwara at maligaw ng landas sa kapahamakan.
Kung sa ibang boses tayo makikinig at hindi ang tinig mismo ng Panginoong Hesus, hindi tayo maliligtas at magtatamo ng buhay na walang hanggan.
Kailangan din natin suriing mabuti kung tama ba ang boses o ang turo na ating pinakikinggan? Sapagkat baka masamang Pastol pala at hindi si Hesus ang nagsasalita, at tayo ay ihahatid pala sa kapahamakan.
Magandang pagnilayan natin na si HesuKristo ang mabuting Pastol na nakahandang gumabay sa atin at magtatanggol sa atin sa harap ng mga pambubuyo ng kasalanan.
Hindi natin makakamit ang ating kaligtasan kung hindi ang boses ng mabuting Pastol ang ating pakikinggan. Kapag boses ng kasalanan, galit, pagkamuhi, inggit at kasakiman ang ating sinunod at pinakinggan, marahil ay alam na natin kung saan tayo mapupunta pagdating ng Araw ng Paghuhukom. AMEN.
--FRJ, GMA News