Hindi kadalasang naiisip ng mga magulang na sa murang edad ng kanilang mga anak, maaari na rin silang magkaroon ng diabetes. Ang isang ina, hinagpis ang nararamdaman nang pumanaw ang apat na taong gulang niyang anak dahil sa naturang sakit.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni JP Soriano, inilahad ng inang si Wella Sia na dinala nila ang kaniyang anak sa ospital, pero lumabas na normal naman daw nang suriin sa emergency room at mayroon lamang itong viral infection.

Pero nang dalhin nila sa ibang ospital ang bata sa susunod na araw, na-diagnose agad ito na may type 1 diabetes sa 15 minuto pa lamang nila sa emergency room.

"Kahit anong tusok sa kaniya ng karayom, hindi siya nagre-react, hindi siya nasasaktan. So sabi, effect na rin iyon ng condition niya," sabi ni Wella.

Kalaunan, pumanaw ang kaniyang anak.

"'Yung pinaka-comfort talaga na nagpapakalma is knowing na 'yung baby ko is nasa heaven na. Walang pain, walang harm," sabi ni Wella.

Ganito rin ang kondisyon ng anak ni Rayray Palmero na isang buwang gulang na sanggol na si Janine noong 2020.

Ayon kay Rayray, posibleng nagkaroon si Janine ng viral infection at tinarget ang pancreas nito. Kaya naman apat na beses sa isang araw ito kung turukan ng insulin.

"Mahilig pa talaga siyang kumain. Sinasabihan ko lang siya na we need to inject so that you can eat this, you can eat that," ani Rayray.

Sa sakit na diabetes, mataas ang blood sugar ng isang tao. Iba-iba ang uri nito at karaniwan ang type 1 diabetes, na isang auto-immune disease kung saan inaatake ng immune system ang cells na gumagawa ng insulin sa pancreas.

Batay sa tala ng International Diabetes Federation, mahigit 1.2 milyong bata at adolescent ang mayroong Type 1 diabetes.

Ayon kay Dr. Jedeane Aragon, maaaring makadagdag ang pagkahilig sa matamis para magka-diabetes ang mga bata, pero ang pinakaproblema sa Type 1 diabetes ang family history ng diabetes, pagkakaroon ng genes na nagdudulot nito, o viral infection.

"'Yung anti-bodies po na supposed to be ay magpo-protect sa atin from infection, hindi po niya nare-recognize 'yung kaniyang sariling data cells na nagpo-produce ng insulin, na kaniya 'yon, so nagkaka-auto-immunity po kaya nasisira ang production ng insulin kaya tumataas ang blood sugar ng mga bata," anang doktora.

Sa kasamaang palad, kailangan nang iturok sa mga batang may diabetes ang insulin sa pamamagitan ng subcutaneous injection para sila magamot, at ito ay ituturok sa kanila habambuhay.

Kaya pagdating sa mga bata, may apat na "T" na dapat bantayan. Ang "toilet" o madalas na pag-ihi; "thirsty" o labis na pagkauhaw; "tired" o pagkapagod; at "thinner" o pagpayat. -- FRJ, GMA News