Nabalot ng takot ang mga naliligo sa Kanapulan Falls sa Misamis Oriental nang biglang rumagasa ang tubig mula sa itaas ng bundok pababa sa batis.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikita sa amateur video na nagkagulo ang mga tao na naliligo sa nasabing talon noong Linggo nang biglang tumaas at lumakas ang daloy ng tubig.
Kasabay ng kaguluhan, madidinig ang sigawan ng mga nag-aalalang mga tao.
Nagmamadaling umahon sa tubig ang mga naliligo at nagpunta sa mataas na lugar.
Makikita rin ang malakas na ragasa ng tubig mula sa itaas ng talon. Sa kabutihang palad, walang nasawi sa nangyaring insidente.
Ito rin ang ipinagpapasalamat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Magsasagawa raw sila ng imbestigasyon sa insidente upang makabuo ng mga kailangang hakbang at babala sakaling maulit ang nangyari.
Sa paunang impormasyon, hinihinala na nagkaroon ng malakas na pag-ulan sa itaas ng kabundukan na maaaring pinagmulan ng pagragasa ng tubig sa talon.
Matatandaan na nagkaroon din ng katulad na insidente sa St. Anthony Falls sa Indang, Cavite ilang linggo pa lang ang nakalilipas na nagresulta sa pagkasawi ng isang bata.
Samantalang noong Setyembre 2021, tatlo ang nasawi nang rumagasa rin ang tubig sa Tinubdan Falls sa Catmon, Cebu. --FRJ, GMA News