Literal na "nahuli" ang isang kalapati na may bitbit na ilegal na droga sa loob ng bakuran ng isang piitan sa Peru.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, inihayag ng mga bantay sa Huancayo prison na nakita nila ang isang kalapati na umiinom sa naipong tubig na dulot ng pag-ulan doon.
Pero napansin din ng mga bantay na may nakasabit sa leeg nito. Kaya hinuli ang ibon at sinuri kung ano ang maliit na pakete na natali at nakasabit sa leeg ng kalapati.
Dito na nakita na mga pinatuyong dahon ng marijuana na laman ng pakete.
Ayon sa mga awtoridad sa Peru, sadyang magaang lang at tinatayang nasa 10 hanggang 30 gramo ang timbang na isinasabit sa mga kalapati para hindi mahirapan ang ibon sa paglipad.
Hindi pa malinaw kung saan galing ang droga at kanino ito dapat ipadala.
Iniimbestigahan ng Public Ministry ng Peru ang insidente pero may hinala ang mga awtoridad na para sa talaga kulungan ang destinasyon ng kalapati.
Dati nang nabisto sa ibang bansa ang paggamit ng kalapati para magpuslit ng droga gaya sa Costa Rica. --FRJ, GMA News