Lumitaw sa pinakabagong datos ng Social Weather Station na 10.9 milyon ng pamilyang Filipino ang ikinukonsidera ang kanilang sarili na "mahirap" ngayong 2022. Sa naturang bilang, 1.5 milyon ang nadagdag at 8.2 milyon ang napako sa kahirapan.
Sa quarterly survey na ginawa ng SWS mula Abril 19 hanggang 27, lumilitaw na 49 percent o 10.9-milyong pamilyang Filipino ang ikinukonsidera ang kanilang sarili na “poor”, 34 percent ang nasa “borderline poor,” at 23 percent ang nagsabing hindi sila mahirap.
COVER STORIES: The Hunger Pandemic by Atom Araullo
Ang naturang bilang ay halos katulad umano ng SWS survey noong December 2021. Lumabas dito na 43 percent o 10.7 Filipino families ang ikinukonsidera ang kanilang sarili na “poor,”39 percent ang nasa “borderline poor,” at 19 percent ang “not poor”.
Paliwanag ng SWS, posibleng tumaas ang self-rated poverty sa bansa dahil sa pinagsamang pagtaas ng ng naniniwalang mahirap sila sa rehiyon ng Mindanao at Metro Manila, at nabawasan naman sa Visayas at Balanced Luzon.
Ang mga naniniwalang mahirap sila na nasa Mindanao ay tumaas ng 60 percent mula sa dating 43 percent. Habang umangat sa 32 percent naman mula sa dating 25 percent sa Metro Manila.
Sa Visayas, natapyasan ang nagsasabing mahirap sila sa 48 percent mula sa dating 59 percent. Samantalang naging 35 percent naman mula sa 41 percent sa Balanced Luzon.
Kasama sa isinagawang survey ang tanong sa mga tao kung naranasan nila na maging “non-poor,” "poor" o "borderline poor."
Ayon sa survey, nasa 6.1 percent sa mga tinanong ang nasabi na “newly poor” sila o hindi “non-poor” sa nakalipas na apat na taon. Inihayag naman ng 4.5 percent na “usually poor” sila o “non-poor” sa nakaraang lima o higit pang taon.
May 32.2 percent na tinanong ang nagsabing “always poor” sila o hindi kailanman naging “non-poor.”
Sa naturang porsiyento ay kumakatawan sa 1.5 milyon na pamilyang Pinoy na nasasabing “newly poor” sila. Habang 1.1 milyon ang “usually poor” at 8.2 milyon ang “always poor.”
Mayroon 1, 440 adults ang nakibahagi sa survey na face-to-face interview ang ginawa. Mayroon itong sampling error margins na ±2.6% para sa national percentages at ±5.2% para sa Balance Luzon, Metro Manila, the Visayas, at Mindanao, ayon sa SWS.--FRJ, GMA News