Nilinaw ni Kris Aquino ang estado ng kaniyang kalusugan sa harap ng mga maling impormasyon na ikinakalat ng iba sa social media. May pakiusap din siya sa mga basher.
Nitong Lunes, nag-post sa Instagram ang Queen of all Media para pabulaanan ang ilang social media post na nagsasabing nakaratay siya sa ospital, o dinala sa ICU, o mamamatay na.
“Masyado kayong advance. I’m not yet dead. I’m going to fight to stay alive,” pahayag ni Kris.
Sa video post, muling inihayag ni Kris ang planong pagpapagamot niya sa ibang bansa.
“[I’ve] always been proud of my honesty and courage. Ginusto ko na maka-lipad sana nang tahimik pero utang ko po sa mga nagdarasal na gumanda ang aking kalusugan, ang mag THANK YOU & to tell the TRUTH,” saad niya sa caption.
Matatandaan na mayroong tatlong autoimmune conditions si Kris: ang chronic spontaneous urticaria, autoimmune thyroiditis, at vasculitis.
Ayon kay Kris, ang huli ay nakita sa ikatlong skin biopsy ng pathologist sa Pilipinas at US.
“My team of doctors here and abroad…are all worried about organ damage in my heart and in my lungs. Kaya lahat ng paraan, sinubukan for me to get to Houston soonest," saad niya.
Ang gamot para sa naturang sakit "doesn't have FDA approval here or in Singapore."
Sabi pa ni Kris, gusto ng mga duktor niya na sabay na maibigay sa kaniya ang gamot at "chemotherapy as my immunosuppressant" dahil na rin sa allergic siya sa steroids.
Hiniling ni Kris sa lahat na itigil na ang pag-post sa kaniyang social media ng mga masasakit na salita para sa kapakanan ng kaniyang mga anak.
“Kung balak niyo pong mambastos or mag-comment ng masakit o masama, sa mga sarili niyo na lang pong IG, FB, or chat group sana gawin,” pakiusap niya.
“Hindi niyo po ako kailangan gustuhin para magpakatao," ani Kris. "Please don’t punish kuya [Josh] and Bimb for being my sons. Hindi po masama ang maglakas ng loob at magsabi ng sobrang bigat na katotohanan.”
Naging regular na ang pagbabahagi ni Kris sa kaniyang followers ng estado ng kaniyang kalusugan.
Dapat sana siyang umalis ng bansa noong nakaraang buwan para sa kanilang pagpapagamot pero hindi siya nabigyan ng clearance ng kaniyang duktor-- FRJ, GMA News