Nagbuwis ng buhay ang isang ama para mailigtas ang kaniyang 11-anyos na anak na babae na nahulog sa dagat sa Legazpi City, Albay.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, ipinakita ang amateur video sa ginawang pagsagip ng mga residente at awtoridad sa mag-ama sa karagatang sakop ng Barangay Rawis.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtungo sa lugar ang biktimang si Danilo Abando, 40-anyos, residente ng Daraga, Albay para maligo. Kasama niya ang kaniyang tatlong anak at tiyahin.
Subalit dahil malakas ang alon, nagpasya na lamang ang mag-aama na mangisda sa bahagi ng boulevard.
Pero habang nasa hagdan ng boulevard, nadulas ang 11-anyos na anak na babae ni Abando, at nahulog sa dagat.
"Itong anak niya nandun sa hagdan ng boulevard, nakita nung tatay na biglang na-slide. Siyempre instict ng isang tatay na sagipin yung kaniyang anak. Nung sinagip nung tatay, yung tatay ang tinangay ng alon," ayon kay Lieutenant Commander Emman Avila, spokesman ng Philippine Coast Guard-Bicol.
Hindi nakuha ng ama ang kaniyang anak pero nakaligtas ang bata sa tulong ng rumespondeng mga residente at mga awtoridad.
Ayon sa residenteng si Jomely Abioro, may nadinig sila na humihingi ng tulong kaya nagtungo sila sa lugar kung saan nahulog ang mag-ama.
Nang wala pa umanong tumatalon sa dagat para tulungan ang bata, nagpasya na siya na maunang tumatalon sa dagat.
Kaagad ding rumesponde ang coast guard at tumulong sa paghanap kay Abando.
Nakita naman si Abando pagkaraan ng ilang minuto at sinikap siyang i-revive bago dalhin sa ospital. Gayunman, binawian na ng buhay ang ama. --FRJ, GMA News