Naging maaksiyon ang tagpo sa labas ng isang palengke sa Lambayong, Sultan Kudarat matapos makipag-agawan ng baril at makipagsuntukan ang isang sibilyan sa isang sundalo umano na armado ng baril at sinasabing nangholdap ng tindahan.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita na tila kontrolado na ng lalaking sibilyan na nakasuot ng berdeng damit ang sitwasyon dahil naibabawan na niya sa suspek na nakadamit ng kulay puti.
Ngunit nakabuwelo ang suspek at nabaligtad ang sitwasyon. Matapos ang panununtok ng suspek sa sibilyan, tumakbo palayo ang sinasabing sundalo.
Pero hinabol pa rin ng palabang sibilyan at ng iba pang saksi ang tumakas na suspek hanggang sa mahuli siya ng mga pulis.
Ayon sa mga awtoridad, nangholdap ng tindahan ang umano'y sundalo. Tinutukan umano ng suspek ng baril ang may-ari ng tindahan at sapilitang kinuha ang bag nito na may perang P49,000.
Habang tumatakas, hinarang siya ng matapang na sibilyan at doon na nangyari ang kaniyang suntukan at agawan sa baril.
Mayroon daw kasama ang suspek at nagawa nitong maibigay doon ang dalang baril.
Nasa kustodiya na ng Lambayong PNP ang suspek, na haharap sa patong-patong na reklamo. Habang nakatakas naman ang kaniyang kasabwat.
Hindi muna pinangalanan ang suspek habang hindi pa nagbibigay ng reaksiyon ang militar sa insidente.
Naisoli na sa may-ari ng tindahan ang tinangay na pera, at maayos din ang lagay ng residenteng tumulong.—FRJ, GMA News