Matuto tayong makuntento at magpasalamat sa mga bagay na mayroon tayo. Dahil ang kasakiman ay isang lason na sumisira sa ating pagkatao (Mateo 21:33-43, 45-46)

PARANG normal na lamang sa kasalukuyang panahon na maraming tao ang hindi marunong makuntento sa mga bagay na tinatamasa nila sa buhay.

Sapagkat masyadong nangingibabaw ang pagiging materyoso ng ilang tao. Labis silang nahuhumaling sa mga materyal na bagay katulad ng salapi. Kaya kahit nasa sa kanila na ang lahat ng bagay ang pakiramdam nila ay parang kulang pa rin.

Dahil sa ganitong kalakaran ng kaniyang buhay, hindi sila nakokontento at unti-unti nang nauuwi sa kasakiman ang kanilang pamumuhay. Kahit mayroon na sila ay gusto pa nilang magkamal pa.

Hindi pa rin sila masaya at hindi kontento sa mga pagpapala na ipinagkaloob sa kanila ng ating Panginoong Diyos. Dahil pakiramdam nila ay may  “kakulangan” pa rin kahit kompleto na sila sa mga bagay na mayroon sila.

Mas mainam pa ang mga mahihirap at mga taong salat sa buhay. Kahit hikahos ang uri ng kanilang pamumuhay ay maligaya sila sa kahit anong biyaya na ipinagkakaloob sa kanila ng ating Panginoong Diyos.

Kahit salat sila sa materyal na bagay, punong-puno naman sila ng kaligayahan dahil madali silang makontento. Kahit tuyo, daing o sardinas lamang ang kanilang pinagsasaluhan.

Ngunit ang mga nakaririwasa, kayamanan ang tanging makapagpapasiya sa kanila.

Kaya may mga napapanood tayo na nagpapahayag ng katanungan at paghanga sa mga kapus-palad na mas maganda pa ang buhay dahil masaya sila kahit naghihikahos. Habang ang mga mayayaman, hirap na hanapin ang magpapasaya sa kanila nang tunay.

Pakatandaan ang kasabihan na hindi nabibili ng salapi ang tunay na kaligayahan at kapanatagan ng puso't isipan.

Ang kasakiman ay isang lason na sumisira sa ating buong pagkatao at sumisira din ng ating relasyon sa Diyos. Katulad ng ibinibigay na mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 21:33-43, 45-46) kaugnay sa Talinghaga Tungkol sa Ubasan at mga Katiwala.

Matutunghayan sa kuwento ang ipinamalas na kasakiman ng mga “katiwala” matapos ipagkatiwala sa kanila ng may-ari ang pag-aari nitong ubasan. (Mt. 21:33)

Sa halip na suklian nila ang kabutihang-loob ng may-ari, pinatay nila ang mga isinugo doon para kunin ang parte nila. Nais kasi ng mga katiwala ay maangkin lahat sa ubasan. Isinugo rin ng may-ari ang kaniyang anak sa pag-aakalang hindi nila sasaktan, pero maging ang anak ay pinatay dahil sa alam nilang tagapagmana ito.

"Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon? Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan."

Itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo na kailangan tayong matutong magpasalamat at makontento sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos.

Dahil ang kaligayahan ay hindi naman talaga nasusukat sa pamamagitan ng mga materyal na bagay na mayroon tayo. Kundi sa pamamaraan ng pagkakaroon ng isang tahimik na pamumuhay at katiwasayan ng pag-iisip.

Tandaan lamang natin na habang yumayaman ay lalo ring lumalaki ang mga problema. Halos hindi na makatulog nang mahimbing sa kakaisip sa mga alalahanin.

Gaya ng kaligtasan na baka kidnapin o pasukin ng magnanakaw ang kanilang bahay, baka mag-away-away ang mga maiiwan niya sa kaniyang ibibigay na mana, mga tunay na kaibigan ba ang kasama o pera lang ang gusto nila, at papaano pa lalong yayaman.

Mga problema at alalahanin na puwedeng maiwasan kung magiging kontento sa buhay at matututong magpasalamat sa kung anomang biyayang na ibigay ng Panginoon. AMEN.

--FRJ, GMA News