Kahit sampung taon na ang nakararaan mula nang pumanaw ang kaniyang ama, tandang-tanda pa rin ng komedyanteng si Mosang ang pinakamalungkot-- na may halong katatawanan-- na nangyari sa kaniyang buhay.
Sa programang "Mars Pa More," aminado si Mosang na isa siyang "daddy's girl," kaya masakit ang pagkawala ng kaniyang ama. Lalo pa't nangyari ito, isang taon lang makaraang mamayapa rin ang kaniyang ina.
Nakadagdag din sa kalungkutan ng aktres na hindi siya nakapagpaalam nang maayos sa kaniyang ama at sa morgue na ng ospital niya ito nakita.
Pero isang araw bago pumanaw ang ama, nakausap niya ito habang nakaratay sa ospital at sinabihan niya na, "sumama na kung sinunsundo na siya ni Aling Rachel."
"A day before that [namatay],nagpaalam pa siya sa akin kasi. Sabi ko, 'Sinusundo ka na ba ni Aling Raquel?' Umiiyak siya," kuwento ni Mosang.
"Ako, hindi ako puwedeng umiyak sa family kasi ako yung inaasahan eh. So iiyak ako kapag nakatalikod na ako. Sabi ko, 'Sige sumama ka na,'" patuloy niya.
Pagkatapos ng pag-uusap ay nagtrabaho na siya. Pero sa sumunod na araw, hindi na nakausap muli ni Mosang ama dahil pumanaw na ito.
"Kahit more than ten years ago na, hindi pa rin 'yon puwedeng mawala sa akin. Kasi 'yon yung pinakamahirap na parte ng buhay ko that time," ayon kay Mosang na nagsabing down din ang career niya noon at walang masyadong mga proyekto.
"So pumunta ako sa mogue, nakita ko na siya... si bakla [sarili niya] iyak to the fullest... 'Hindi mo 'ko hinintay. Sabi ko hintayin mo 'ko magpapaalam ako sa'yo," pagbahagi ni Mosang na may bahaging nagiging emosyonal na habang nagkukuwento.
Pero sa gitna nang pagdadalamhati, natigilan daw si Mosong at bahagyang natawa dahil sa kaniyang naamoy.
"Iyak ako iyak. Maya-maya sabi ko sa kapatid ko, 'Tol amoy imburnal. Alisin na natin dito si tatay,'" patuloy ni Mosang.
"Yung morgue ng ospital, yung gilid kanal," natatawa niyang pagbahagi na dahilan para maputol daw ang kaniyang pagdadalamhati.
Hindi man siya nakapagpaalam sa ama, sinabi ni Mosang na napanaginipan niya ang ama pagkatapos itong mailibing at nagsabi ito sa kaniya na, 'Anak, ok na 'ko.'
"Doon ako umiyak. Paggising ko iyak ako nang iyak," sabi ni Mosang. "Pero naalala ko na naman yung imburnal. Kapag nag-uusap kaming magkakapatid, sabi ko, 'Ayokong mamatay sa ospital na 'yan."
Masakit at mahirap man ang nangyari, nagpapasalamat si Mosang dahil sa marami ang tumulong sa kaniya, pati na ang mga kasama sa showbiz para mailabas ng ospital at mabigyan ng maayos na libing ang kaniyang pinakamamahal na ama. --FRJ. GMA News