Sa Cavite nabili ang winning tickets ng dalawang mananaya na nanalo ng jackpot sa lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Samantala, 19 na mananaya na ang naging milyonaryo sa pagtama ng jackpot sa lotto mula Enero 1, 2022 hanggang Marso 20, 2022.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO, sinabing mula sa Tanza, Cavite ang nanalo ng mahigit P42 milyon na jackpot prize sa Mega Lotto 6/45, na binola noong Marso 28, 2022.
Ang lumabas na winning combination ay 07-25-08-03-12-05.
Sa Mega Lotto 6/45 draw na ginawa naman nong Marso 2, sinabing sa General Trias, Cavite naman tinayaan ang tiket na may winning combination na 02-30-45-42-27-17.
Nasolo ng naturang mananaya ang P8,910,000.00 na premyo.
Sa hiwalay na pahayag ng PCSO, sinabing 19 na mananaya na ang naging milyonaryo sa pagtama ng jackpot sa lotto mula Enero 1, 2022 hanggang Marso 20, 2022.
Ang kabuuang premyo na napanalunan ng mga tumama ay umaabot na umano sa P839,889.030.60.
Pito ang nanalo sa lotto 6/42, apat sa Mega Lotto 6/45, dalawa sa Grand Lotto 6/55, at tig-tatlo sa Super Lotto 6/49 at Ultra Lotto 6/58.
Sa naturang bilang ng mga milyonaryo, pinakamarami ang nanggaling sa Southern Tagalog at Bicol Region (STBR) na umabot sa walo, tig-apat sa National Capital Region (NCR) at Northern and Central Luzon (NCL) at tatlo mula sa Visayas Region.
Sa 19 na nanalo, 13 ang sila mismo ang pumili ng winning numbers, habang anim naman ang sinuwerteng maging milyonaryo sa pamamagitan ng lucky pick.
--FRJ, GMA News