Isa ang patay at dalawa ang sugatan nang magwala ang isang lalaki at mamaril matapos na tumangging makipagbalikan sa kaniya ang dating nobya sa Quezon City. Ayon sa babae, ayaw niyang makipagbalikan sa suspek dahil lulong daw ito sa online sabong.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang naarestong suspek na si Florencio Martos Rios Jr. alias “Carlos.”
Nitong nakaraang Marso 18 nang pasukin umano ni Rios ang bahay ng pamilya ng dati nitong kasintahan na si Ana Marie Baluno sa West Fairview, Quezon City.
Binaril at napatay umano ni Rios ang 21-anyos na anak ni Ana Maria na si Raven.
“Sobrang sakit po kasi hindi ko po alam kung paano ako mag-uumpisa,” saad ni Ana Maria.
Ayon sa asawa ni Raven na si Lyn Arejola, nasa trabaho siya at ka-video call ang mister nang mangyari ang pamamaril.
“On-going ang video call namin. Ang sabi nila ‘yung asawa ko, wala na, nabaril na at wala nang pulso. Hindi ko matanggap kasi kakausap ko lang sa kaniya (Raven),” hinanakit ni Lyn.
Ayon pa kay Ana Marie, binaril din umano ni Rios ang kaniyang kapatid na si Lian. Nakaligtas ang biktima para naparalisa dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa katawan.
Isa pang anak ni Ana Marie na si Bryan James ang humarang sa suspek at binaril din ng apat na ulit ng suspek.
Nakaligtas din si Bryan James at patuloy na nagpapagaling.
Sinabi ni Ana Marie na ilang beses na nakikipagbalikan sa kaniya si Rios pero tinanggihan niya dahil sa pagiging sugapa sa online sabong.
“Hindi po siya nag-du-drugs pero sobrang sugapa sa talpak. Kasi nandyan ‘yung wala na raw siyang sinasahod (dahil) naubos sa talpak. Tapos nakakagawa siya ng hindi maganda dahil may mga nag-hunting sa kaniya. Dahil sa talpak kaya siya nakapagnakaw,” ani Ana Marie.
“Hindi niya raw ako puwedeng iwan, ilalaban niya raw ako ng patayan, sabi niyang ganon. Basta lagi po siyang nanakot” patuloy niya.
Katarungan ang hangad ni Lyn sa kanilang sinapit.
“Sana sa ginawa niya hindi na siya makalaya para hindi na maulit ang ginawa niya. Sana mabulok na siya sa kulungan,” ayon kay Lyn.
Kaagad namang naaresto si Rios at nasa kostudiya ng Criminal Investigation and Detection Group of Quezon City Police District. --FRJ, GMA News