Kahit walang sapat na kaalaman sa Cardiopulmonary resuscitation o CPR, hindi sumuko at nagsalitan ang isang mag-ina sa "pagbomba" sa dibdib ng isang 41-anyos na lalaki na walang malay makaraang malunod sa Agno river sa Pangasinan. Ang biktima, magkamalay pagkaraan ng limang minuto.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing ang anak na si Mckinley Sunico, ang nag-ahon sa biktimang si Patrick Ducasen, 41-anyos, na nalunod sa Agno river sa bahagi ng Sta Catalina, Tayug sa Pangasinan.
Sa gilid ng ilog, nagsagawa ng CPR si Mckinley sa walang malay na si Ducasen habang nakaalalay sa kaniya ang kaniyang ina na si Princess.
Nang mapagod si Mckinley sa pagbomba sa dibdib ni Ducasen, si Princess naman ang pumalit kahit pa na siya man ay walang sapat na kaalaman sa pag-CPR.
"Nang parang nanghihina na rin po yung anak ko dahil sabi niya po, 'Ma, pagod na ako." Sabi niyang ganyan. Kayo po trinay ko ring i-CPT," kuwento ni Princess.
Hindi naman nasayang ang pagsisikap ng mag-ina dahil na-revive ang biktima matapos na mawalan ng malay ng halos limang minuto.
"Thank God po kami kasi parang kami po yung ginamit ng Panginoon, kami po ng anak ko para makaligtas po [yung biktima], para hindi mawalan ng ama yung bata," emosyon na pahayag ng ginang.
Labis-labis naman ang pasasalamat ni Ducasen sa nagligtas sa kaniya at hindi siya pinabayaan hanggang sa magkamalay muli.
"Maraming-maraming salamat po sa nag-revive sa akin. Hindi po nila [ako] tinigilan hanggang sa magkaroon po ako ng malay. Habambuhay ko na ipapanalangin sila, lahat po ng tumulong sa akin," pahayag ni Ducasen. -- FRJ, GMA News