Masakit mang tanggapin, isinuko sa Diyos ng isang ina ang buhay ng kaniyang anak nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan nito sa ospital. Ang kaniyang anak, isa sa dalawang siklistang nagpapahinga nang salpukin ng puting van sa Pasay City.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakaburol na sa kanilang tahanan ang mga labi ni Jericho Aguila, 19-anyos.
Nitong Miyerkules ng umaga, nagpapahinga sa gilid ng bangketa na malapit sa isang mall si Aguila at kaibigang si John Paolo Santos, 22-anyos, nang salpukin sila ng van na nag-U-turn.
Kaagad na nasawi si Santos na pumailalim pa sa van, habang isinugod naman sa ospital si Aguila na nagtamo ng matinding pinsala.
"Tinawag ko si Lord. Sabi ko, 'Sige po, isusurender ko na anak ko kung 'yon lang ang tamang paraan para hindi na siya magdusa, para hindi ko na makitang maghirap, isinusuko ko na po siya," malungkot pahayag ng ina ni Aguila na si Narcissa.
"Iyon parang biglang nag-flat yung ano niya. Tapos wala na [pumanaw na siya," patuloy niya.
Kasama nina Aguila at Santos nang mangyari ang aksidente ang isa pa nilang kaibigan na si Diosdado Maravilla.
Kuwento ni Maravilla, bago ang malagim na insidente ay nakita na araw nila ang pa-U-turn na van at napasin ng dalawa niyang kaibigan na tila may problema sa driver ng sasakyan.
"Sabi ng dalawa. "Parang hindi pa marunong mag-drive yung driver," ayon kay Maravilla at kasunod na nito ang trahediya.
Dahil sa nangyari, nagka-trauma si Marvilla at hindi pa raw niya kayang magbisikleta muli. Lalo pa't ang malapit na kaibigan na si Aguila ang madalas daw niyang kasama sa pagbibisikleta.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police Station ang 19-anyos na driver ng van na umano'y walang lisensiya at nakainom pa nang mangyari ang insidente.
Pinag-uusapan pa umano ng pamilya Aguila ang gagawin nilang legal na hakbang. Pero nakikipag-usap naman daw sa kanila ang pamilya ng driver ng van.
Samantala, tumanggi na muna na magbigay ng pahayag ang nagluluksang pamilya ni Santos. --FRJ, GMA News