Sa halip na si misis ang magpa-ligate upang hindi na mabuntis, si mister na ang nagpa-vasectomy nang malaman na may libreng programa para sa family planning.
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabing sa simula pa lang ng pagsasama nina Ladylyn at Aris Flores, ay nakaplano na sa kanila na maliit lang ang pamilya na kanilang bubuuin.
Kaya naman nang maging dalawa na ang kanilang anak, naging pursigido ang mag-asawa na ituloy na ang kanilang plano na huwag nang dagdagan ang kanilang supling.
Ayon kay Ladylyn, siya dapat magpapa-ligate pero nagbago ito nang malaman nila na mayroong libreng vasectomy.
Bagaman nakaramdam ng takot sa una, ginawa ni Aris ang pagpa-vasectomy lalo na nang malaman niyang "non-scalpel" ang gagawing proseso.
Ang non-scalpel vasectomy o keyhole vasectomy ay isang uri ng vasectomy procedure na iniipit o pinuputol ang "tubo" na daanan ng semilya.
Matapos ang operasyon, "band aid" lang umano ang inilalagay sa bahagi na ginawan ng proseso.
"Main reason is pagmamahal," sabi ni Aris kung bakit siya nagpa-vasectomy. "Kung mahal natin ang asawa natin, hangga't maaari ayaw nating makitang nahihirapan sila."
Ayon kay Aris, dapat pag-isipang mabuti ng isang lalaki kung talagang gusto na niyang magpa-vasectomy dahil wala nang bawian kapag nagawa ang proseso.
Wala naman daw nagbago sa kanilang pagsasamang mag-asawa mula nang magpa-vasectomy siya.
"Sabi ko, ito na ang pinaka- way para maipakita sa kaniya na hindi lang siya ang dapat gumagawa ng paraan para sa family planning. Dapat kasama rin ako," ayon kay Aris.
Pero paano nga ba ginagawa ang vasectomy at talaga bang hindi na maibabalik ang pinutol na "tubo" kung sakaling nais ng lalaki na ibalik ito? Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News