Nagkagulo ang mga tao sa pantalan ng Olango Island sa Cebu nang makita nila ang isang pating na lumalangoy at inikutan ang isang bangka na may sakay na dalawang tao.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang pambihirang insidente noong Sabado ng umaga.
Ilang beses na inikutan umano ng pating ang bangka at pagkatapos ay lumangoy ito papalapit sa pantalan.
Kinalaunan, nakita na lang ng mga tao na patay na ang pating na malaki pa sa tao ang sukat.
Nang suriin nila ang pating, wala naman itong sugat pero may kinagat na bato.
Pinaniniwalaang isinuka rin niya ang kinaing isda.
Hinala ng guwardiya sa pantalan na si Ronald Tisoy, posibleng nalason ang pating ng kinain niyang isda na kung tawagin ay "rumpi."
Paliwanag ni Tisoy, may mga mangingisda raw na iniimbak ang nahuhuling isda at kinalaunan ay itatapon sa dagat na patay na.
Paliwanag naman ni Dr. Allan Poquita, Regional-VII Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), tatlo ang posibleng dahilan ng ikinamatay ng pating.
Ito umano ay ang pagkakaroon ng sakit, sobrang katandaan, at pagiging disoriented na dahilan para bumangga sila sa matitigas na bagay.
Hindi pa alam kung anong uri ng pating ang namatay, na kaagad na inilibing ng mga residente. --FRJ, GMA News