Kung palakihan ng seafood ang usapan, puwedeng magmalaki ang mga taga-Pagadian City at Gigantes Island na, "wala kayo sa igat at suso namin."

Kamakailan kasi, marami ang namangha sa ipinost na larawan ni Arman, sa dambuhalang igat na nabili niya sa Agora market sa Pagadian.

Kung ang karaniwang igat ay kadalasang nasa tatlo hanggang apat na pulgada lang ang lapad at nasa kalahating metro ang haba, ang nabili ni Arman, isa't kalahating metro ang haba, at umabot ng 13 kilos ang bigat.

Kakaiba rin ang kulay ng igat at mistulang sawa ang hitsura dahil sa laki at taba.

Karaniwan daw na nahuhuli ng mga mangingisda ang igat at ibinabagsak sa palengke para ibenta.

Kung may giant igat ang Pagadian, ang Gigantes Island naman ng Iloilo, may higanteng suso.

Ang karaniwang suso, may sukat lang na isa hanggang dalawang pulgada. Pero ang higanteng suso na kung tawagin ay "lagang," nasa walo hanggang 10 pulgada ang laki.

Anong luto naman kaya ang magandang gawin sa mga dambuhalang seafood na ito? Panoorin ang video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News