Sa tulong ng kuha ng CCTV camera, lumilitaw na tila magkakaugnay ang ilang insidente ng pagkawala ng mga nawawalang sabungero. Isang impormante rin ang may mahalagang impormasyon na ibinigay.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, may update sa mga nawawalang sabungero na umaabot na sa 30 katao mula sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Batangas, Quezon at Bulacan.
Sa kuha ng CCTV, nakuhanan ang convoy ng mga sasakyan lumabas mula sa Manila Arena sa Sta. Ana noong January 13. Kabilang dito Tamaraw FX na sinakyan ng mga magkakapitbahay na sabungero na nawawala mula sa Rizal.
Sa kuha ng CCTV nang tumigil ang FX sa Osmena Highway, may lumabas na isang lalaki at lumipat sa nakabuntot na kotse.
Ang naturang lalaki, hindi kilala ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero sa Rizal.
May mahalagang impormasyon din na ibinigay ang footage ng CCTV dahil nakita rin na kasama sa convoy ng van na sinakyan naman ng isa pang grupo ng mga nawawalang sabungero mula naman sa Sta. Cruz, Laguna.
Bukod dito, lumilitaw din na tila magkaugnay naman ang pagkawala ng tatlong katao mula sa Bulacan na sina Edgar Malaca, caretaker ng manok na si Alexander Quijano at driver na si Ricardo Cacdalan , sa nawawalang magkasintahan sa Laguna na sina Nomer de Pano at ang buntis na si Jonalyn Lubuguin.
Parehong Enero 7 nang mawala ang grupo ni Malaca at magkasintahan na sina Nomer at Jonalyn, na pawang nagpunta rin sa sabungan.
Ayon sa kapatid ni Malaca, nakausap pa niya ang kapatid at sinabing natalo ang mga manok nito pero may laban pa sila kinabukasan.
Pero hindi na uli niya nakausap ang kapatid hanggang sa makita ang mga gamit ni Malaca noong Enero 9 sa loob ng isang inabandonang sasakyan.
Ang sasakyan kung saan nakita ang mga gamit nina Malaca, hindi raw ang sasakyan na ginamit ng grupo nang umalis ng Bulacan.
Lumitaw na ang sasakyan kung saan nakita ang mga gamit nina Malaca, ay sasakyan na ginamit nina Nomer at Jonalyn.
Hanggang ngayon, pawang hindi pa rin nakikita ang mga biktima.
Sa harap ng patuloy na imbestigasyon ng pulisya at National Bureau of Investigation sa kaso ng mga nawawalang sabungero, isang impormante ang nakipag-ugnayan sa "KMJS," at sinabing may nalalaman siya sa pagkawala ng mga sabungero, partikular ang mga nagpunta sa Manila Arena.
Game fixing o laglagan sa laban ng mga manok ang tinitingnan na anggulo ng mga awtoridad sa pagkawala ng mga sabungero.
READ: Pag-'tyope' o dayaan sa sabong, ipinaliwanag ng handler ng manok kung paano ginagawa
Alam kaya ng impormante kung nasaan ang mga nawawalang sabungero at buhay pa kaya ang mga ito? Alamin ang kaniyang mga isiniwalat sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News