Tulad ng mga tao, kailangan ding manligaw at magpapansin ang mga hayop para makahanap ng kanilang partner. At kung minsan, nagkakaroon din ng karibal.

Ayon sa programang "Born To Be Wild," sa mundo ng mga ibon ay pagandahan ng kulay ang karaniwang labanan para makaakit ng ka-partner.

Isang halimbawa nito ang mga peacock [lalaki] na mas makulay ang balahibo kumpara sa mga babae o peahen.

Pero kung dalawa ang peacock na poporma sa isang peahen, kailangan munang idispatsa ng isang peacock ang kaniyang karibal.

At kung sino ang matitira, doon na niya ibabalandra ang napakaganda niyang buntot sa peahen upang makuha ang atensyon nito.

Ang peacock na matikas, hindi naman nasayang ang kaniyang effort dahil makukuha niya ang pansin ng peahen.

Sa mundo naman ng mga insekto, may mga marunong na magpasikat para mapansin ng babaeng kursunada nila gaya ng Siniguelas Leaf Beetle.

Nagpapa-ikot-ikot ang lalaki sa mga dahon hanggang sa mapansin siya ng isang babaeng beetle.

Sa sandaling maging sila na, magsisilbi nilang tirahan ang dahon o puno kung saan sila nagkatagpo.

Kahit sa putikan, may ligawan na nangyayari sa maliliit na isdang "tustusak" o mudskippers.

Magpapahabol na tila magpapansin ang babaeng tustusak, hanggang sa mahulog ang loob niya sa lalaking tustusak na magpapakita ng kaniyang palikpik matapos ang matiyagang paghabol.

Gaya ng mga tao, kailangan din ng mga hayop ang tiyaga at determinasyon para makuha ang matapos na oo ng kanilang sinisinta.

Tunghayan sa video ng "Born To Be Love" kung papaano magpahayag ng pagmamahal ang mga hayop sa mundong kanilang ginagalawan.

--FRJ, GMA News