Hindi napigilan ni Herlene "Hipon Girl" Budol na maiyak nang balikan niya ang pangyayari sa kaniyang buhay na wala siyang kasama noon sa kaniyang graduation ceremony.
Sa programang "Mars Pa More," napag-usapan ang isang pahayag ni Herlene na nagsasaad na, "Di man nila ako nakitang nagmartsa nasa puso naman ang suporta ng aking pamilya."
Kuwento ni Herlene, sinabi niya noon sa kaniyang ama ang gaganaping graduation kaya inaya niya ito na samahan siya.
"Sabi ni papa, 'Mama mo na lang."
Pero nang magpunta naman daw siya sa kaniyang ina, sinabi naman sa kaniya na, "Anong ginagawa ng ama mo? Siya papuntahin mo."
Dati nang ikinuwento ni Herlene na hiwalay na ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang lola at lolo nagpalaki sa kaniya.
Dahil sa pagtuturuan, wala umanong nanood sa kaniya sa kaniyang graduation at nakisabay na lang siya sa kaklase na nag-celebrate.
Idinagdag pa ni Herlene na nagkunwari siya sa kaklase na kasama niya ang kaniyang mga magulang.
"Nakakalungkot lang na napagtapos ko yung pag-aaral ko na sarili ko lang. Yun na lang gagawin nila [sumama sa graduation] hindi pa nila nagawa," malungkot na sabi ni Herlene.
Hindi raw ipinaliwanag ng kaniyang mga magulang kung bakit hindi siya sinamahan sa graduation.
"Nagtuturuan sila kasi ayaw lang nilang magkita talaga," sabi niya.
Sa kabila ng nangyari, sinabi ni Herlene na napatawad na niya ang kaniyang mga magulang. Iyon din naman daw ang payo sa kaniya na huwag magtatanim ng sama ng loob sa mga magulang.
Idinagdag ng TV host-comedienne, na isa sa pangarap niya ay makapagsabit ng graduation picture niya sa bahay. Hanggang ngayon daw kasi, hindi pa niya nakukuha ang picture niya na nakasuot ng toga.
Sa darating na Mayo, may pag-asa siyang makapag-martsa muli kapag nagtapos na siya sa kolehiyo.
Pero hindi pa raw sigurado si Herlene na makaka-graduate sa Mayo dahil hindi pa siya nakakagawa ng kaniyang thesis.
--FRJ, GMA News