“Idinagdag pa ni Hesus: Ang lumalabas sa tao ang siyang nakarurumi sa tao. Sapagkat mula sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay lumalabas ang masasamang pag-iisip na nag-uudyok sa kaniya”. (Marcos 7:20-21)

MAY mga tao na tila nakasanayan nang mas tumingin at pahalagahan ang panlabas na hitsura ng kanilang kapuwa kahit hindi pa naman nila ito lubos na nakikilala.

Ginagamit nilang pamantayan ang panlabas na hitsura para makabuo ng unang impresyon. Ang iba, nagbabatay agad sa panlabas na hitsura kung disente, edukado, mayaman, mabait at kung ano-ano pa ang taong kaharap nila.

Kaya naman hindi nakakapagtaka na may mga tao ngayon ang nabibiktima ng maling impresyon. Sapagkat ang inaakala nilang Tupa ay isa pa lang mabangis na Leon.

Tuloy, may mga napapahamak tulad sa paggamit ng social media. Dahil maganda o pogi ang ginamit na profile picture, inakala kaagad nilang mabait o mayaman ang taong hindi pa naman nila nakikita o nakikilala nang personal.

Pero iyon pala, hindi talaga sa kaniya ang larawan o kaya naman eh gumamit lang ng filter. Ang matindi pa nito kung minsan, may masama pa palang binabalak.

Ika nga ng mga netizen lalo na ang mahihilig mag-order online: expectation vs reality.

Pero nangyayari rin ito sa kabaligtaran. Kung minsan, ang inakalang mabangis na Leon, aba'y maamong Tupa pala. O kaya naman ay sasabihin kapag nag-meet up na sila na "pogi" o "maganda" pala sa personal.

Sadyang hindi talaga tayo dapat bumase sa panlabas na anyo lamang. Mabuti sana kung no harm ang epekto ng maling akala. Pero papaano kung maging sanhi ito ng kapahamakan?

Kaya dapat matuto tayo sa Aral ng ating Panginoong HesuKristo.  Hindi pinagbabatayan ni Hesus ang ating panlabas hitsura. Ang tiningnan Niya ay ang nilalaman ng ating puso. Sapagkat sa loob ng puso malalaman kung anong uri siya ng tao.

Ipinangaral ni Hesus sa Mabuting Balita (Marcos 7:14-23) na ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kaniya sa mata ng Panginoong Diyos. Sapagkat ang lahat ng lumalabas sa ating mga puso ang tunay na nag-uudyok sa atin para tayo ay magkasala.

Ipinaliwanag ni Hesus sa Kaniyang mga Alagad na ang lahat ng pumapasok sa tao na galing sa labas ay hindi nakarurumi sa kaniya sa paningin ng Diyos. Dahil ang anumang bagay na ipinapasok niya sa kaniyang bibig ay hindi naman pumapasok sa kaniyang puso. (Mk. 7:18-19)

Para sa ating Panginoon, mula sa isip ay papasok sa puso ng isang tao kung gagawa siya ng mga kasalanan katulad ng pangangalunya, pagnanakaw, pumatay, maging sakim, mag-imbot, mandaya, kapalaluan, maki-apid at iba pang kabuktutan na nagpaparumi sa kaniya sa mata ng Diyos. (Mk. 7:20-23)

Mayroon ngang kasabihan, na ang mga mabubuti o masasamang bagay na nagmumula sa ating bibig ang siyang nilalaman ng ating mga puso. Dito masasalamin ang totoong karakter ng isang tao. Kaya kung anoman ang mga lumalabas sa ating mga bibig, iyon din ang ating tunay na pagkatao.

Maaaring ipinapakita din ng Pagbasa na hindi natin malilinlang si Hesus sa pamamagitan ng magandang hitsura. Alalahanin natin na walang maikukubli sa ating Panginoon.

Kaya ang paalala sa atin ng Ebanghelyo, huwag tayong magpanggap, huwag tayong magmalinis, huwag tayong magkunwari. Panatilihin nating malinis ang ating puso't isipan. At magagawa natin ito kung susundin natin ang mga Aral ni Hesus at lagi natin Siyang ilalagay sa puso at isipan.

Manalangin tayo:  Panginoong Hesus, nawa’y mapagsikapan naming makagawa ng mga bagay na magpapa-banal sa amin. Sapagkat hangarin namin na magkaroon kami ng isang malinis na puso, dahil ayaw naming maging marumi kami sa mata Mo, na nagpaparungis din sa aming kaluluwa. AMEN.

--FRJ, GMA News