Nakatatakot man ang hitsura, pinagkakakitaan naman ng isang lalaki sa San Pedro, Laguna ang mga kakaibang face masks na kaniyang ginagawa, at napagkunan niya ng panggastos sa pamilya nang magkaroon ng pandemya.

Sa programang "Reporter's Notebook," ikinuwento ng special effects artist na si Rene Abelardo, na second year high school siya nang matuto sa sculpture. At dahil marunong na siyang mag-painting, pinasok siya ng kaniyang kuya sa prosthetics.

Isa sa prosthetics na ginawa ni Aberlardo ay para sa aktres na si Kris Bernal para sa Kapuso soap opera na Impostora.

Bukod dito, ginawan na rin ni Aberlardo ng masakara ang komedyanteng si Willie Nepumuceno para magmukha siyang ang noo'y Presidenteng si Fidel V. Ramos.

Sa gitna ng pandemya, naapektuhan ang kaniyang trabaho na konektado sa showbiz. Kaya nag-isip siya paraan na puwede niyang pagkakitaan.
Dito na siya nagsimulang gumawa ng mga kakaibang face masks mula sa mga pang-horror, mukha ng mga artista, at maskara na hango sa mga cartoon character.

"You have to adjust. May pamilya tayo, lahat naman nahirapan eh. May talino naman ako, kahit paano, ginawa kong pera," sabi ni Aberlado.

Naibebenta ni Aberlardo ang kaniyang mga face mask ng mula P500 hanggang P1,500, depende sa disenyo.

Mano-manong dinidisenyo ang isang face mask na umaabot ng halos isang linggo bago matapos.

Tinutulungan siya ng kaniyang mga anak sa pag-sculpt at pagpinta ng mga maskara.

Ine-export na rin ang masks ni Rene sa ibang bansa.

Gayunman, unti-unti na ring humihina ang bentahan ng customized face masks ngayon. Kaya madalas na hindi na rin sumasapat sa panggastos ng kaniyang pamilya ang kinikita niya sa maskara.

Naapektuhan din ang pag-aaral ng kaniyang anak na natigil sa pag-aaral sa kolehiyo.

"Masakit kasi 'yung dream ng anak ko nahihinto ko eh, pero mas mahirap naman 'yung mahinto 'yung pagkain diyan," sabi ni Aberlardo, na umaasang masusuportahan ang kaniyang maliit na negosyo.

--FRJ, GMA News