Inakala noong una na may sinamahan lang na apo ang isang 73-anyos na lolo na nag-a-apply sa job fair kamakailan sa Bogo City, Cebu. Pero laking gulat ng mga tao nang malaman nilang si lolo mismo ang aplikante.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa larawan si lolo Rotello Escanilla habang naghihintay sa job fair na inorganisa ng isang Business Process Outsourcing (BPO) company at lokal na pamahalaan noong Enero 29.

Pero nalaman ng mga tao roon na aplikante mismo si Lolo Rotello, at hindi siya humingi ng espesyal na pagtrato kahit senior citizen na siya.

Naghintay daw si Lolo Rotello hanggang sa siya na ang matawag pagsapit ng 5:00 pm. Hindi naman nasayang ang kaniyang pagtitiyaga dahil natanggap agad siya bilang call center agent.

"I thought at first na he was just trying to accompany his grandchildren and then later we found out na siya pala mismo 'yung nag-a-apply," ayon sa IT officer ng local government na si Rodge Tonacaoan.

Dating salesman si Lolo Rotello at retirado na mula noong 2008. Pero pumasok sa isipan niya ang magtrabaho muli mula nang pumanaw ang kaniyang kabiyak noong 2016.

"I go into this venture as a diversion lang para mawala 'yung isip ko, 'yung utak ko from, you know, the loneliness," sabi niya.

Ayaw din umano ni Lolo Rotello na umasa sa bigay ng kaniyang mga anak.

Kasama niya sa bahay isa sa tatlo niyang anak at pitong apo.

Mayroon na rin daw karanasan sa BPO industry si Lolo Rotello bago siya noon magretiro.

Natutuwa naman si Lolo Rotello sa kaniyang bagong trabaho na mga kabataan ang kaniyang kasama.

"Di ba masaya because generally mga kabataan medyo hyped up 'yan eh, mga energized 'yan eh," saad niya. "Gusto ko 'yung attitude ng mga kabataan na masaya, they're always happy, nakakapag-TikTok 'yan ayos na 'yan."

Sinabi rin ni Lolo Rotello na may maiaambag pa ang mga nakatatandang katulad niya sa larangan ng paggawa.

"Kailangan lang talaga adjustment sa employers na ma-accommodate din 'yung mga senior citizen in whatever way possible," sabi niya.

Noong nakaraang taon, isang 66-anyos na lolo rin ang naging viral sa social media nang matanggap din sa call center company matapos na 12 ulit na mabigo sa pag-a-apply. —FRJ, GMA News