Sinasabing 200 beses na mas maanghang kaysa siling labuyo, ang "Death Noodles" ang itinuturing na pinaka-maanghang na noodles sa buong mundo. Paano nga ba ito inihahanda at saan bansa ito matitikman? Alamin.
Sa programang "iJuander," sinabing sa Indonesia na ikaapat sa pinakamalaking producer ng sili sa buong mundo matitikman ang ubod anghang na noodles.
Sa isang taon, mahigit dalawang milyong toneladang sili ang inaani sa Indonesia. Pero hindi sila kasama sa top 10 countries pagdating sa pagiging exporter ng sili.
Ang dahilan nito, mahilig din kasi sa maanghang na pagkain ang mga kababayan nila. Kaya sa kanila pa lang, ubos na agad ang siling inaani ng kanilang bansa.
Sa mahigit 17,000 isla ng Indonesia, mayroong mahigit 300 klase ng Sambal o chili sauce--magmula sa hindi gaanong maaanghang hanggang sa sukdulan ng extra hot.
Kadalasang ginagamit sa paggawa ng Sambal ang Cayenne pepper at bird's eye chili pepper, na dinidikdik kasama ang iba pang pampalasa. Saka naman isasahog o ginagawang sawsawan ang sambal sa iba't ibang putahe.
Matatagpuan isang restaurant sa Jakarta ang itinuturing na pinakamaanghang na noodles sa buong mundo, na tinatawag na Mie Pedas Mampus o "Death Noodles."
May iba't ibang level ng anghang na maaaring pagpilian. Mula sa 10, 25, 50, 75 hanggang sa pinaka-hot na 100. Ang naturang level ay siyang piraso ng sili na magsisilbing sauce ng noodles.
Base sa Scoville Heat Unit, na ginagamit sa sukatan ng anghang, nasa 80,000-100,000 SHU ang siling labuyo ng Pilipinas.
Umaabot naman sa 2,000,000 SHU ang Carolina Reaper na pinakamaanghang na sili sa buong mundo.
Pero ang Death Noodles, umaabot ng 20,000,000 SHU ang anghang, na 200 beses ang anghang sa siling labuyo, o 10 beses na maanghang sa Carolina Reaper.
Ayon sa eksperto, may pag-aaral na nagsasabing may 14 percent chance na mas hahaba ang buhay ng mahilig sa pagkaing maanghang kaysa sa hindi masyadong gusto ang maanghang.
Pero paalala rin ng eksperto, maaari ding makasama sa kalusugan ang sobrang pagkain ng maanghang.
Kayanin mo kaya ang hotness ng "Death Noddles?" Panoorin ang buong kuwento sa video.
--FRJ, GMA News