Bago ang pagkawala ng 10 lalaki na nagpunta sa magkahiwalay na sabungan sa Maynila at Laguna, mayroon limang lalaki na nagpunta naman sa sabungan sa Batangas ang iniulat na hindi na rin nakauwi sa kani-kanilang pamilya sa Bulacan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabi ng mga kaanak ng biktima na gabi noong Enero 6, 2022 nang sunduin sina Edgar Malaca at Alexander Quijano, parehong mula sa Calumpit, Bulacan, para magpunta sa Batangas sakay ng puting van.
Sinabi umano ni Malaca sa kapatid na sa isang sabungan sila sa Lipa, Batangas para magtatari ng panabong na manok. Kinabukasan, nakausap pa umano ng kapatid si Malaca sa Batangas.
“Talo daw po ‘yung lahat ng nilaban nilang manok. Tapos sabi niya do’n sa kausap niya na kaibigan namin, magpapahinga lang daw siya at may laban pa daw sila kinabukasan,” ayon sa kapatid.
Hindi na raw nakausap ng mga kaanak ang dalawa mula noong Enero 8, hanggang sa makita naman ang sinakyan nilang van na inabandona sa Calumpit noong Enero 9.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad, tanging mga gamit na lang ang mga biktima ang nakita sa van.
“Ito talaga ‘yung kanilang hanap-buhay. Tapos, itong van na nire-rent, sila ‘yung regular na nagre-rent nito. Kaya nga nagtataka ‘yung may-ari ng van na nagpapa-rent bakit na abandon bigla,” Calumpit Police Chief Police Lieutenant Colonel Wendel Ariñas.
Nagmamakaawa ang mga kaanak ng mga nawawala sa mga may impormasyon na tulungan silang makita ang mga biktima.
“Kung sino man po ang naka-ano sa kapatid ko, parang awa niyo na po, pakawalan niyo na siya. Kung meron man nakakakita sa kanya, pakipag-bigay alam niyo lang sana sa’min,” pakiusap ng kapatid ni Malaca.
Iginiit naman ng asawa ni Quijano na mabubuting tao ang kaniyang mister.
“Mabait po ‘yun, wala pong kasalanan. Nadamay lang po siguro kung may naging problema. Mabait po ‘yung mahal namin sa buhay na nawawala. Tulungan niyo po sana kami,” hiling niya.
BASAHIN; Game fixing sa sabong, tinitingnan ugat sa pagkawala ng ilang lalaki na nagpunta sa sabungan
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, at nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya na humahawak ng kaso sa nawawalang apat na lalaki na nagpunta sa isang sabungan sa Laguna noong Enero 13, at anim na lalaki naman ang naglaho rin matapos na magpunta sa isang sabungan sa Maynila noong Enero 14.
— FRJ, GMA News